TV

Fans gush over bolder Barbie Forteza on 'I Can See You: The Lookout'

By Dianara Alegre

Napanood na kagabi ang pilot episode ng crime thriller mini-series na “The Lookout,” ang ikatlong installment ng I Can See You Season 2, na pinagbibidahan nina Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza, Kapuso hunk Paul Salas, and renowned actor Christopher de Leon.

Sinusundan sa “The Lookout” ang buhay ni Emma Castro, ang magician assistant na nagdesisyong kumapit sa patalim para makahanap ng perang ipangtutustos sa medical bills ng kanyang may sakit na kapatid.

Dahil wala nang ibang maisip na paraan na pagkukunan ng pera, pumayag si Emma na maging kasabwat at lookout sa plano ng kababata niyang si Dalo na pagnakawan ang mga Penuliar, ang mayamang pamilyang na nakatira sa village malapit sa squatters area na kanilang tinitirhan.

Laking-gulat na lamang nila nang pagpasok sa bahay ng mga Penuliar ay tumambad sa kanila ang walang buhay na kasambahay ng mga ito. Lingid sa kanilang kaalaman, isang malagim na home invasion ang kanilang kinasangkutan.

Source: GMA Drama Facebook page

Si Barbie ang gumaganap bilang si Emma, at dahil bago at kakaiba ang naturang role mula sa mga dati na niyang nagampanan, marami ang nag-abang at nabilib sa ipinakita niyang husay sa pag-arte.

Anang fans, nakatutuwa umanong mapanood si Barbie sa isang crime thriller series kung saan mas lalong napansin ang galing niya sa pag-arte.

Samantala, sa ginanap na virtual media conference para sa mini-series kamakailan, ipinahayag ng direktor nitong si Jules Kantayag na maituturing na masterpiece ang “The Lookout.”

Aniya, out of the box ang tema nito at napapanahon din lalo na at nagagamit na rin ang teknolohiya o gadgets sa pagsasagawa ng krimern.

“I'm glad that GMA is really brave in terms of producing shows such as this. This is a genre piece at masasabi kong napakatapang,” aniya.

Ipinakikita sa I Can See You kung paanong nagiging “intruder” ang gadgets sa pang-araw-araw na buhay ng tao at ayon sa direktor, nakaangkla pa rin ang istoya ng “The Lookout” sa tema ng anthology.

“It's a home invasion piece. The rich and poor theme is still there. It deals with family situations as well.

“'I Can See You' is all about how gadgets become intruders in our lives and this is how 'The Lookout' complements the drama anthology that has a different theme each week.

“In other words, gadgets as a millennial thing and drama are merged to come up with a groundbreaking story featured in 'I Can See You',” dagdag pa niya.

Source: GMA Drama Facebook page

Bukod kina Barbie, Paul Salas, at Christopher de Leon, kasama rin sa cast ng I Can See You: The Lookout sina Adrian Alandy, Arthur Solinap, Marina Benipayo, Elijah Alejo, Luis Hontiveros, Ella Cristofani, Jana Trias, at Benjie Paras.

Mapanonood ang I Can See You: The Lookout mula Lunes hanggang Biyernes, April 19 to 23, sa GMA, GTV, at Heart of Asia.

Para sa mga Kapuso abroad, maaari itong mapanood sa GMA Pinoy TV.

Kilalanin ang buong cast ng I Can See You: The Lookout at kanilang mga karakter sa gallery na ito: