TV

Comedy-drama na 'Two Funerals' starring Xian Lim, tampok sa I Heart Movies ngayong linggo

By Marah Ruiz

Isang comedy-drama film tungkol sa "body switching" ang hatid ngayong linggo ng digital channel na I Heart Movies.

Sa indie film na Two Funerals, magkakapalit ang labi ng dalawang taong namatay dahil sa isang vehicular accident.

Gaganap dito si Xian Lim bilang Gerry, fiance ng isa sa mga namatay na si Charm. Hindi batid ni Gerry na nagkamali ang funeral parlor at ibang mga labi ang na-release sa kanya.

Magugulat ang nanay ni Charm na si Pilar, played by Tessie Tomas, na labi ng isang lalaki ang darating sa kanila sa Tuguegarao.

Malalaman nina Pilar at Gerry na nasa Sorsogon ang tunay na labi ni Charm kaya agad silang pupunta doon. Mababawi ba nila ang labi ng mahal sa buhay?

Abangan ang Two Funerals, October 6, 9:35 p.m. sa Pinoy Movie Date.


Huwag ding palampasin ang isang pelikulang magpapakita ng isang espesyal na bahagi ng kulturang Pilipino.

Pagbibidahan ni Kapuso actor Rocco Nacino ang independent film na Balut Country. Gaganap siya rito bilang Jun, isang lalaking magmamana ng patuhan ng kaniyang ama.

Gustong ibenta ni Jun ang farm dahil malapit na itong malugi pero nagdadalawang isip din siya dahil ayaw niyang mawalan ng hanap-buhay ang mga trabahador ng kaniyang ama na matagal nang nagsisilbi rito.

Ano ang magiging desisyon ni Jun?

Abangan 'yan sa Balut Country, October 4, 10:20 p.m. sa Pinoy Movie Date.


Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.