TV

Launching film ni Tekla na 'Kiko en Lala,' tampok sa I Heart Movies ngayong linggo

By Marah Ruiz

Ang komedyanteng si Tekla na ang bahala sa good vibes natin ngayong linggo sa digital channel na I Heart Movies.

Sa kanyang first starring film na Kiko en Lala tampok si Tekla sa dual roles bilang kambal tuko o conjoined twins na si Kiko at Lala.

Nagtratrabaho silang dalawa sa isang karnabal at ang tanging hiling lang nila sa buhay ay magkahiwalay sila para makasama ang kani-kanilang mga mahal sa buhay.

Nais ni Kiko na makasama na ang nobyang si Aning (Kim Domingo), habang gusto namang lalong makilala ni Lala ang guwapong si Rap-rap (Derrick Monasterio).

Bibigyan sila ng pambihirang pagkakataon ni Deadline (Aiai delas Alas), isang fairy godmother. Sa tulong ni Deadline, maaari silang maghiwalay pero isa lang sa kanila ang maaaring mabuhay.

Ano ang pipiliin ng kambal?

Tampok din sa pelikula sina Kiray Celis, Divine Tetay, at Jo Berry.

Panoorin ang launching film ni Tekla na Kiko en Lala, November 17, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Huwag ding palampasin ang Burgos, pelikulang hango sa tunay na kuwento ni Jonas Burgos, isang magsasaka at aktibista na dinukot noong 2007.


Mula sa panulat ni Ricky Lee at direksiyon ni Joel Lamangan, bibida rito si Lorna Tolentino bilang Editha Burgos, nanay ni Jonas na patuloy na naghahanap sa kanya.

Si Kapuso actor Rocco Nacino naman ang gaganap bilang ang nawawalang si Jonas.

Tunghayan ang Burgos, November 14, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.