TV

'Batanes' starring Iza Calzado at F4 member Ken Chu, tampok sa I Heart Movies

By Marah Ruiz

Isang bittersweet love story ang hatid ng I Heart Movies ngayong linggo.

Mapapanood kasi rito ang pelikulang Batanes, starring Iza Calzado at F4 member Ken Chu.

Kuwento ito ni Pam, role ni Iza, isang Manila girl na ma-i-in love sa Ivatan na si Rico, played by Joem Bascon. Iiwan niya ang buhay sa Maynila at sasama siya kay Rico sa Batanes para magpakasal at magsimula ng sarili nilang pamilya.

Isang araw, hindi nakauwi si Rico mula sa pangingisda. Maiisip ni Pam na umuwi na lang sa Maynila ngayong wala na ang kanyang asawa.

Pero bigla niyang matatagpuan ang Taiwanese na si Kao, ang karakter ni Ken, na walang malay sa isang isla. Aalagaan niya si Kao kahit na hindi ito tanggap ng kanilang pamayanan dahil karaniwang illegal fishers ang mga Taiwanese sa Batanes.

Huwag palampasin ang Batanes, January 8, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Good vibes ang dala ng Instant Mommy, isang romantic comedy na pinagbidahan ni Eugene Domingo.

Tampok dito si Eugene bilang Bechayda, isang TV commercial wardrobe assistant na nagkukunwaring buntis sa takot na hiwalayan siya ng kanyang Japanese fiance.

Anong mangyayari kung magkabukuhan na? Alamin 'yan sa Instant Mommy, January 11, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available rin ito sa iba pang digital television receivers.