TV

'The Promise' nina Angel Locsin and Richard Gutierrez, tampok sa I Heart Movies

By Marah Ruiz

Love stories na may iba't ibang timpla ang hatid ng digital channel na I Heart Movies ngayong linggo.

Balikan natin ang bittersweet memories ng first love sa romantic drama film na The Promise nina Angel Locsin at Richard Gutierrez.

Si Angel ay si Andrea, habang si Richard naman ay si Daniel, dalawang magkababata na susubukin ng panahon ang pag-ibig.

Mangangako sila sa isa't isa na magiging matatag ang kanilang pag-iibigan, anuman ang harapin nilang pagsubok. Magagawa pa ba nilang tuparin ang pangakong ito sa pagpasok ng usapin ng paghihiganti, kaibahan ng estado sa buhay, at pagtutol ng kanilang mga pamilya?

Ang The Promise ang huling tambalan nina Angel at Richard kaya panoorin ito sa Pinoy Movie Date, January 18, 8:00 p.m.

Huwag din palampasin sa I Heart Movies ngayong linggo ang award-winning historical romance film na Baler.

Tampok dito ang si Anne Curtis bilang si Feliza na anak ng isang Katipunero.

Katambal niya dito si Jericho Rosales na gumanap bilang Celso, isang Spanish mestizo na naging sundalo para sa hukbo ng mga Kastila.

Uusbong ang pag-ibig ng dalawa sa gitna ng rebolusyon.

Humakot ng mga parangal sa 2008 Metro Manila Film Festival pati na sa 2009 FAMAS Awards ang pelikula.

Kabilang sa mga natanggap nitong pagkilala ang Best Picture, Most Gender-Sensitive Film at Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Awards sa 2008 Metro Manila Film Festival. Hinirang namang Best Actress si Anne Curtis at Best Supporting Actor si Phillip Salvador sa parehong parangal.

Balikan ang kuwento ng Baler sa January 19, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.