TV

Fantasy adventure film na 'Magikland,' tampok sa I Heart Movies

By Marah Ruiz

Maglakbay patungo sa mga kakaibang mundo kasama ang mga Pinoy fantasy movies na hatid ng digital channel na I Heart Movies ngayong linggo.

Una na diyan ang box-office hit na Mulawin: The Movie na pagpapatuloy ng kuwento ng iconic GMA telefantasya na Mulawin.

Sa pelikula, naghahanda na para sa tahimik na buhay sina Aguiluz (Richard Gutierrez) at Alwina (Angel Locsin) nang abutan ng malakas na bagyo ang sinasakyan nilang bangka.

Magkakahiwalay sina Aguiluz at Alwina at mawawala pa ang kanilang mga alaala.

Samantala, bubuhayin ni Sang'gre Pirena (Sunshine Dizon) si Haring Ravenum kaya manganganib muli ang mga Mulawin.

Paano sila lalaban ngayong nawawala ang mga pinakamagigiting nilang mandirigma na sina Aguiluz at Alwina?

Official entry din ang Mulawin: The Movie sa 2005 Metro Manila Film Festival.

Abangan ang Mulawin: The Movie, January 25, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Pang Gen Z naman ang fantasy adventure film na Magikland na pinagbidahan ng young Kapuso stars na sina Elijah Alejo Princess Aliyah, Jamir Zabarte, at Hailey Mendes.

Tungkol ito sa mga batang gamers na mata-transport sa mundo ng isang fantasy mobile game na tinatawag na Magikland.

Isa ito sa official entries ng 2020 Metro Manila Film Festival kung saan natanggap nito ang Best Musical Score, Best Visual Effects, Best Production Design, Best Virtual Float, FPJ Memorial Award at posthumous Special Jury Prize para sa producer nitong si Peque Gallaga.

Huwag palampasin ang Magikland, January 27, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.