TV

Award-winning film na 'Kubrador,' tampok sa I Heart Movies

By Marah Ruiz

Isang award-winning film na naman ang mapapanood sa digital channel na I Heart Movies digital channel ngayong darating na linggo.

Ang Kubrador ay isang 2006 drama film na tungkol sa isang kubrador ng jueteng na patuloy na umiikot para mangolekta ng mga taya sa kabila ng kanyang pagtanda at mas pinaigting na crackdown laban sa ilegal na pagsusugal.

Tampok dito ang veteran actress na si Gina Pareño bilang Amy na patuloy pa ring nagtatrabaho bilang kubrador para lang mabuhay.

Dahil sa kanyang pagganap, umani si Pareño ng parangal bilang Best Actress sa Osian's Cinefan Festival of Asian and Arab Cinema at maging sa 2007 Gawad Urian.

Humakot din ng mga pagkilala ang pelikula tulad ng Lino Brocka Award o Grand Prize sa Cinemanila International Film Festival; International Critics Award sa 28th Moscow International Film Festival 2006; Best Film at International Critics Award sa Osian's Cinefan Festival of Asian and Arab Cinema; Best Film, Best Director, Best Cinematography, at Best Production Design sa 2007 Gawad Urian at hinirang pang Best Filipino Film of the Decade noong 2010 Gawad Urian.

Tunghayan ang Kubrador sa January 31, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Para naman sa romantic comedy fans, nariyan ang ensemble film na I.T.A.L.Y.

Kinunan ang pelikula habang naglalakbay ang isang cruise ship sa Asia, Europe, and Africa. Mula Pilipinas, narating nito ang Venice, Barcelona, Marseille, at marami pang iba.

Kuwento ito ng anim na magkakaibang tao na bahagi ng seven-day cruise ng Costa Magica.

Tampok dito si Jolina Magdangal bilang isang hopeless romantic chambermaid na naghahanap ng pag-ibig.

Gaganap naman si Rufa Mae Quinto bilang lounge singer sa barko na naghahanap ng kanyang "perfect man."

Bahagi rin ng pelikula si Dennis Trillo na isang businessman na sinusubukang takasan ang kanyang nakaraan.

Si Eugene Domingo naman ang senior housekeeper na naniniwala pa rin sa pag-ibig kahit dalawang beses nang naudlot ang kasal.

Kasama rin si Rhian Ramos na gaganap bilang spoiled na herederang magkakagusto sa isang pangkaraniwang cabin crew.

Si Mark Herras naman ay ang masipag na cabin crew na pipigilan ang sariling mahulog sa heredera dahil galing sila sa magkaibang mundo.

Tunghayan ang I.T.A.L.Y., January 30, 8:00 p.m. sa Sine Date Weekends.

Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.