TV

'Without You' starring David Licauco at Shaira Diaz, tampok sa I Heart Movies

By Marah Ruiz

Love stories ang hatid ngayong linggo ng digital channel na I Heart Movies.

Kabilang diyan ang Without You na pinagbidahan nina David Licauco at Shaira Diaz.

Si David ay si Axel, isang DJ sa club, habang si Shaira naman ay si Ria, isang call center agent.

College sweethearts ang dalawa at maagang magsasama sa iisang bubong kahit tutol dito ang kanilang mga pamilya.

Smooth-sailing sila noong una, pero habang tumatagal, napapadalas ang pagtatalo nila tungkol sa iba't ibang mga bagay.

Para maisalba ang kanilang pagsasama, susubukan nilang magkaroon ng open relationship o 'yung mananatili silang committed sa isa't isa pero maari silang mag-entertain ng ibang tao.

Maaayos pa ba nina Axel at Ria ang kanilang relasyon?

Abangan 'yan sa Without You, May 11, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Isang bittersweet love story naman ang hatid ng pelikulang Batanes, starring Iza Calzado at F4 member Ken Chu.

Kuwento ito ni Pam, role ni Iza, isang Manila girl na ma-i-in love sa Ivatan na si Rico, played by Joem Bascon. Iiwan niya ang buhay sa Maynila at sasama siya kay Rico sa Batanes para magpakasal at magsimula ng sarili nilang pamilya.

Isang araw, hindi nakauwi si Rico mula sa pangingisda. Maiisip ni Pam na umuwi na lang sa Maynila ngayong wala na ang kanyang asawa.

Pero bigla niyang matatagpuan ang Taiwanese na si Kao, ang karakter ni Ken, na walang malay sa isang isla. Aalagaan niya si Kao kahit na hindi ito tanggap ng kanilang pamayanan dahil karaniwang illegal fishers ang mga Taiwanese sa Batanes.

Huwag palampasin ang Batanes, May 8, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.