TV

LGBTQIA+ films, matutunghayan sa I Heart Movies sa darating na linggo

By Marah Ruiz

Very inclusive ang lineup ng digital movie channel na I Heart Movies sa darating na linggo.

Tampok kasi ang ilang LGBTQIA+ films na siguradong maghahatid ng aral sa lahat.

Sa December 6, huwag palampasin ang Pare, Mahal Mo Raw Ako, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Bida rito si Edgar Allan Guzman na gumaganap bilang Mark at si Michael Pangilinan naman bilang best friend niyang si Red.

Isang closeted gay si Mark at matagal na niyang itinatago ang pagtingin para kay Red sa takot na masira ang kanilang pagkakaibigan.

Magiging tapat ba si Mark sa kanyang nararamdaman para kay Red?

Bukod kina Edgar Allan at Michael, bahagi rin ng pelikula sina Nora Aunor, Ana Capri, Joross Gamboa at Matt Evans.

Para naman sa fans ng comedy, nariyan ang Barbi D' Wonder Beki sa December 8, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Pagbibidahan ito ng Eat Bulaga Dabarkads na si Paolo Ballesteros bilang Billy, isang security guard na mula sa pamilya ng mga pulis.

Mapagbibintangan si Billy na pumatay sa kanyang boss kaya magtatago siya. Manunuluyan siya sa Club Mwah na pagmamay-ari ni Bartolome, karakter ni Joey de Leon.

Ipapamana ni Bartolome kay Billy ang kanyang drag persona na si Barbi. Dito na maipapakita ni Billy ang tunay niyang sarili, bagay na hindi niya maamin sa kanyang pamilya.

Mapatunayan kaya ni Billy na inosente siya sa krimen na ibinibintang sa kanya?

Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital televisions receivers.