TV

Heart Evangelista, 'I Left My Heart in Sorsogon' na nga ba ang huling teleserye?

By Aimee Anoc

Pinaplano ni Heart Evangelista na hindi na muna gagawa ng teleserye pagkatapos ng GMA Telebabad series na I Left My Heart in Sorsogon.

Sa eksklusibong panayam sa GMANetwork.com, ibinahagi ni Heart na masaya siya sa suportang natatanggap mula sa viewers ng I Left My Heart in Sorsogon. Ipinarating din ng aktres na posibleng ito na ang huli niyang teleserye.

"I'm so happy kasi talagang just like any lock-in taping, talagang pinaghirapan namin. Mahirap talagang mag-taping ngayong pandemic pero nagbunga nang maganda at matamis na prutas 'yung ginawa namin.

"Sobrang natutuwa rin ako kasi, like what I said, it may be my last soap. So natutuwa ako na hindi napunta sa wala 'yung hirap at sacrifices na ginawa namin for the shoot," pagbabahagi ni Heart.

Ayon sa aktres, paglalaanan niya muna ng oras ang bagong beauty business na kanyang sinimulan noong November 24, gayundin ang hilig sa fashion at hosting.

"Mga ibang bagay naman ang gagawin ko like Pure Living, more on fashion, hosting, but siguro for now masasabi ko na it is my last," dagdag niya.

Kung ang paggawa naman ng pelikula ang pag-uusapan, bukas pa rin si Heart sa oportunidad.

"Movie, it really depends kung it will be worth the time that I will be away from my responsibilities. Kung it's a good opportunity, it's a good role, I'll definitely think about it. I'll always love acting," pagtatapos ng aktres.

Patuloy na mapapanood si Heart sa I Left My Heart in Sorsogon, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng 24 Oras.