TV

EXCLUSIVE: Derrick Monasterio, alagang-alaga si Barbie Forteza sa set ng 'Inday Will Always Love You'

By Bea Rodriguez

 

“Very leading man” daw off camera ang katambal ni Kapuso star Barbie Forteza na si Derrick Monasterio. Alagang-alaga raw ng aktor ang kanyang leading lady sa set ng Inday Will Always Love You lalong-lalo na sa shooting nila sa Cebu kamakailan lamang.

Matagal nang magkakilala at magkaibigan ang Kapuso love team kaya't kumportable na sila sa isa’t isa.

“'Pag mainit, feeling ko kaya siya ang nasa-sunburn kasi siya ‘yung sumasalo ng init ng araw. Mapapansin ko iyon ‘pag walang payong, humaharang siya doon sa init para hindi ako mainitan tapos lagi niyang tinatanong, ‘Kaya pa, Barbs?’ tapos ‘Bakit, okay ka lang?’ kasi minsan, may time na nakatulala na lang ako. Pinapahiram niya ako ng unan niya na galing sa hotel,” reveal ng aktres sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.

Madalas na exposed sa init ng araw ang mga eksena ng DerBie kaya hindi maiiwasan ang pagod.

Bahagi ni Derrick tungkol sa kanyang leading lady, “May times na sumakit ‘yung ulo niya nang sobra tapos ‘di na talaga siya nagsasalita so nag-worry talaga ako sa kanya kasi hindi siya ganun. ‘Pag tahimik si Barbie, may problema.”

Dahil alalang-alala ang aktor sa kanyang katambal, ginagalingan niya raw bawat eksena para hindi na sila paulit-ulit.

“Ang pinakatulong na ginagawa ko sa kanya aside from sa pagtatanong, iniiwasan ko talagang magkamali para hindi humaba [at] para hindi tumagal kasi kawawa rin siya eh.”

Na-appreciate naman daw ng aktres ang effort at pag-aalaga sa kanya ni Derrick. 

Abangan ang kanilang sweetness sa upcoming GMA Telebabad soap na Inday Will Always Love You ngayong Mayo.