TV

Dencio, na-friend zone ni Esperanza?


Nahumaling sa ganda ni Clara si Dencio. Nang ipagtapat niya ang tunay na nararamdaman para rito, sinabi ni Clara na wala siyang nararamdaman para sa kanya. Tinanggap ng binata na wala ngang pagtingin sa kanya si Clara. Ang hindi niya alam, si Clara at Esperanza ay iisa.

Araw-araw na binibisita pa rin  ni Dencio si Clara kahit malinaw na sa kanya na wala siyang maasahan dito. Gusto niya rin kasi makita ang kanyang matalik na kaibigan na si Esperanza. Nagtataka siya na sa tuwing hinahanap niya ang kanyang kaibigan, nawawala si Clara. At tuwing kaharap niya si Esperanza, biglang naglalaho si Clara. Napansin din ni Dencio na pareho ang suot na damit ng dalawa.

May kutob si Dencio kina Esperanza at Clara. Pakiramdam niya ay may hindi sinasabi si Esperanza sa kanya. Itinanggi ng kanyang kaibigan ang hinala ni Dencio. Ngunit nang dumalaw si Edwin kay Esperanza, nakumpirma niya ang kanyang hinala.

Totoo nga na ang kwintas ni Alejandra ang nagpapaganda kay Esperanza. Hinikayat ni Dencio na ipakita ni Esperanza kay Edwin ang tunay niyang anyo. Nag-alinlangan ito dahil alam niyang katatakutan siya ni Edwin. Pinangaralan naman ni Dencio si Esperanza na hindi nito malalaman kung totoong mahal nga siya ni Edwin kung hindi niya sasabihin ang totoo kay Edwin. Pero hindi pumayag si Esperanza.

Gusto lang niya na maging masaya kahit sa anong paraan. Nagparaya si Dencio. Masakit kay Dencio na malaman na mas mahal ni Esperanza si Edwin at pakikipagkaibigan lang ang kaya nitong ibigay sa kanya. Ganoon pa man, mananatili siya sa tabi ng kaibigan sa lahat ng oras.

Ano ang nakahandang gawin ni Dencio para kay Esperanza? Magbabago pa kaya ang pagtingin nito sa kanya? Makumbinsi niya kaya si Esperanza na sabihin ang totoo kay Edwin?

Patuloy na subaybayan ang tunay na ganda ng Innamorata pagkatapos ng Villa Quintana tuwing hapon. Para sa latest sa cast ng Innamorata at sa programang ito, bumisita lagi sa www.gmanetwork.com.

--Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.