TV

Ang ipagtatapat ni Esperanza


Handa kong itaya ang lahat para kay Edwin. Ganoon ko siya kamahal kaya naman nang napaganda ako ng kwintas, hindi ko na inisip ang kapahamakang hatid nito. Ang importante maganda ako sa paningin niya.

Lagi na kaming magkasama ni Edwin. Nagdate na rin kami. Ang sarap ng pakiramdam na natupad ang aking hiling – ang muling makita si Edwin at makasama siya.

Bigla na lang naglaho ang lahat nang puntahan ako ni Gina. Sinabi niyang ikakasal na sila ni Edwin at limang taon na ang kanilang relasyon. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Niloko lang pala ako ni Edwin!

Tinawagan ko si Dencio. Sinabi ko sa kanya ang nangyari. Pinayuhan niya akong layuan si Edwin. Gustuhin ko man pero parang ayaw naman ng puso ko. Ano ang dapat kong gawin?

Pinuntahan din ako ni Edwin. Nais niyang magpaliwanag. Hindi ko kayang makita siya na hindi ako nasasaktan. Mas mabuti nang magpakalayo ako at kalimutan kung ano ang meron kami.

Pero hindi nagpatinag si Edwin kahit umulan na ng malakas sa labas. Buong tiyaga niya akong hinintay. Hindi ako lalabas kahit ano’ng mangyari. Kailangan ko tibayan ang loob ko. Hindi dapat ako magpatalo sa nararamdaman ko.

Nakita kong nakahandusay sa labas ng aming bahay si Edwin. Nawalan siya ng malay. Hindi ko kayang mawala siya sa akin. Kahit gaano ako nasaktan sa ginawa niya, may nararamdaman pa rin ako sa kanya. Inalagaan ko muna siya sa aming bahay hanggang sa tuluyan siyang gumaling.

Buti naman at nagising na si Edwin. Ligtas na siya!

Nagpaliwanag si Edwin sa akin tungkol sa kanila ni Gina. Mas magandang kalimutan na namin ang isa’t isa para wala kaming masaktan. Ayokong may nasasaktan lalo na kung katulad ko ring nagmamahal lamang.

Hindi ko inaasahang pupuntahan muli ako ni Gina. Pinaubaya ko na si Edwin sa kanya, ano pa bang gusto niya sa akin?

Maganda pala ang kanyang intensyon sa pagbisita sa akin. Inamin niyang gawa-gawa niya lang ang lahat. Wala talaga silang relasyon ni Edwin. Ang saya ko dahil malaya na akong mahalin si Edwin. Wala na rin masasaktan sa gagawin ko.

Nakasama ko muli si Edwin. Pinuntahan pa namin ang shoe factory nila. Doon ako nagtatrabaho dati. Sa pagpunta ko, maraming bumalik na alaala. Binalikan ko ang bodega kung saan ako naglalagi. May iba na palang nagtatrabaho rito. Pamilyar siya sa akin.

Siya pala si Alice, ang babaeng sumakay sa kotse ko. Sinabi niya sa aking hinahabol siya ng kanyang asawang si Cenon at tinatakasan niya lang ito nang panahon na iyon. Madali ko siyang nakapalagayan ng loob.

Nakaharap kong din muli ang ama ni Edwin (Lloyd). Natakot ako sa kanya. Ipinagtabuyan niya ako dati. Pinandarihan. Nilait. Ano kaya ang masasakit na salita na handa niyang ibigay sa akin?

Tunay ngang iba ang nagagawa ng kagandahan. Sa pagkakataong ito, hindi niya ako nilait at pinandirihan. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Hindi siya makapaniwalang maganda na ako. Malayo sa pangit kong itsura dati.

Ngayong tanggap na ako nang ama ni Edwin, wala nang makakahadlang sa aming pagmamahalan. Nais ko ring ipagtapat kay Edwin ang pinakatatago kong lihim, ang tunay kong anyo, ang kapangitan ko. Matatanggap kaya ako ni Edwin oras na makita niya ang itsura ko?

Ano kaya ang mangyayari, oras na masilayan ni Edwin ang pangit na kaanyuan ni Esperanza? Mamahalin pa kaya siya nito o papandirihan? Maipagtatapat na rin kaya ng dalaga ang hiwaga ng kwintas kay Edwin?

Saksihan ang tunay na kagandahan sa Innamorata pagkatapos ng Villa Quintana sa GMA Afternoon Prime. Para sa updates, bumisita lagi sa www.gmanetwork.com. -- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.