TV

Ang kuwento ni Alejandra at ng mahiwagang kwintas


Nabalot sa dilim at takot ang buhay ko. Gustuhin ko man lumabas, hindi pumayag ang aking mga magulang. Sa bawat sandali ng aking buhay, wala akong hinangad kundi masilayan ang sikat ng araw na dumampi sa aking balat. Kailan kaya liliwanag ang aking buhay? Kailan ko maabot ang tangi kong pangarap na lumigaya at maging malaya?

Sa pagkamatay ng aking mga magulang, naiwan akong mag-isa. Madilim na nga ang aking kinatatayuan lalo pa itong naging madilim sa pagkawala nila. May dalawa kaming kasambahay na tapat at sila na ang itinuring kong pamilya.

May matandang napadpad sa aming tahanan. Kaawa-awa siya kaya naman kinupkop ko siya. Nagbalot ako ng pagkain para sa kanya. Nang ilagay ko na ito sa kanyang bayong, nakita ko ang kuwintas. Kusa na lang gumalaw ang aking mga kamay. Isinabit ko ito sa aking leeg. Nagulat ako sa taglay nitong kapangyarihan. Ang ganda-ganda ko na!

Gustong kunin ng matanda sa akin ang kuwintas. Ang sabi pa niya sa akin:

“Ang tunay na kagandahan ay hindi sa panlabas na kaanyuan kundi sa kabutihan ng pusong hindi matatawaran.”

Pagkatapos niyang banggitin ang mga katagang iyon, sinubukan niyang kunin ang kuwintas sa akin. Hindi ako makakapayag. Hindi ko ibibigay ang kuwintas kahit ano man ang maging kapalit nito. Binalaan pa ako ng matanda tungkol sa kuwintas: “May kapalit ang paggamit niyan. Sa takdang panahon ay maniningil ang kuwintas. Malaking pagsubok ang susuungin upang ang hiling dito ay pagpalain.”

Hindi ko siya pinakinggan bagkus siya ay aking pinaalis. Walang makakapigil sa akin. Akin lang ang kuwintas. Lahat ibibigay ko manatili lang akong maganda.

Sa wakas, kaya ko nang humarap sa mga tao sa tulong ng hiwaga ng kuwintas. Nahumaling ang lahat sa taglay kong kagandahan. At dahil dito, nakilala ko si Arnaldo. Dala ng kanyang matatamis na salita at angking kakisigan, ako ay kanyang napaibig. Nagmahalan kami at nangakong magpapakasal. Kaya naman nakahanda akong maghintay sa kanyang pagbabalik.

Hindi lang pala ganda ang kayang ibigay ng kuwintas pati na rin ang kaligayahan at pagmamahal na akala ko ay suntok lamang sa buwan noon.

Nakalimutan ko na ang babala ng matanda. Ano pa ba ang masamang maidudulot nito kung puro naman magaganda ang aking tinatamasa ngayon?


Saksihan ang tunay na hiwaga na taglay ng kuwintas ni Alejandra sa Innamorata. Huwag bibitiw mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Villa Quintana, only on GMA Afternoon Prime. Para sa updates, bumisita lagi sa www.gmanetwork.com.

-- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com