TV

Esperanza at Alejandra, iisa nga ba ang kapalaran?


Marami ang nagtatanong kung ano nga ba ang hiwagang bumabalot sa kwintas ni Alejandra. May taglay itong kapangyarihan na magpaganda ng sino mang magsusuot nito. Saan nga ba nagmula ang kapangyarihan ng kwintas?

Ang kwintas ay unang napasakamay ni Alejandra nang tulungan niya ang isang matandang may karamdaman. Naakit siya sa taglay na kagandahan ng kwintas. Nang sinubukan niyang suotin ito sa kanyang leeg, nagulat siya na tinupad ng kwintas ang hiling ng kanyang puso – ang gumanda.

Naging sakim si Alejandra at inangkin ang kwintas. Binabawi ito ng matanda ngunit nagmatigas siya at sinabing kapalit ng kwintas ang pagtulong niya rito. Walang nagawa ang matanda at binalaan siya sa maaaring maging bunga ng pagsuot ng kwintas. Hindi pinansin ni Alejandra ang babala ng matanda dahil nahumaling siya sa kagandahang ipinagkaloob nito.



Tulad ng hiling ng puso ni Alejandra na gumanda ay siya ring hiling ng puso ni Esperanza. Napaganda rin siya ng kwintas. Alam niya rin ang panganib na taglay nito. Nagbingibingihan siya. Kung ang matanda ang nagbabala kay Alejandra, si Dencio naman ang sa kanya. Matindi ang pagmamahal ni Dencio sa kaibigan kaya lagi itong nakaalalay sa dalaga at wala itong humpay kung magpayo. Subalit, hindi nakinig si Esperanza.

At ngayon, naniningil na ang kwintas at lumalakas na ang kapangyarihang taglay ni Alejandra dahil sa patuloy na pagsuot ni Esperanza rito.

Pareho nga ba ang magiging kapalaran nina Esperanza at Alejandra dahil sa kwintas? Hanggang saan ang kayang ibigay ng kwintas? Ano ang kukunin nito kina Esperanza at Alejandra? Nakahanda na ba ang dalawa sa magiging kapalit na hihingin nito sa kanila?

Patuloy na subaybayan ang Innamorata pagkatapos ng Villa Quintana sa GMA Afternoon Prime. Para sa latest, mag-log on lang sa www.gmanetwork.com. -- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.