TV

Dencio o Edwin, sino ang karapat-dapat kay Esperanza?





Una pa lang nagkita sina Edwin at Esperanza ay may espesyal na silang nararamdaman sa isa’t isa. Nagkalayo ang dalawa nang pumunta ng ibang bansa si Edwin para ipagamot ang kanyang mga mata. Bumalik din ito pagkatapos ng kanyang operasyon. Ginawa niya ang lahat para muling makita si Esperanza.

Si Esperanza ang pinakamamahal ni Edwin. Nag-iwan pa ito ng music box para maalala siya ni Esperanza. At ibinigay ang tulang ginawa ng kanyang lolo para sa kanyang innamorata.



Samantalang ang matalik na kaibigan ni Esperanza na si Dencio ang nakakaalam ng tunay niyang anyo. Kahit na pangit siya ay buong –buo siyang tinanggap nito. Laging nasa tabi ni Esperanza si Dencio lalo na kapag may kinakaharap itong suliranin. Kasama na ang problema nito sa pag-ibig. Si Dencio rin ang nakakakilala kay Esperanza ng matagal. Magkasama na sila simula pagkabata.

Hindi sa lahat ng oras ay masaya ang nangyayari sa buhay ni Esperanza kaya naman kailangan niya ng makakaramay.





Handang makinig si Edwin sa saloobin ni Esperanza. Nandoon siya ng magkaproblema ito sa tunay niyang ina. Nasasabi rin ni Esperanza ang kanyang tunay na damdamin kay Edwin. Isa lang ang hindi masabi ni Esperanza kay Edwin at ito ay ang pangit niyang mukha. Ayaw niyang mawala si Edwin sa kanya kaya niya hindi sinabi ang totoo.



Si Dencio ang takbuhan ni Esperanza sa lahat ng oras. Kahit ano pa man ang kakaharapin ni Esperanza, handang tumulong si Dencio sa kanya. Isang tawag lang niya kay Dencio at agad naman itong pumupunta sa kanya para maging sandalan niya. Nagbibigay din ng payo si Dencio kay Esperanza na sabihin na ang totoo kay Edwin. Dito niya malalaman kung mamahalin pa rin siya nito oras na makita ang tunay niyang anyo. Tumanggi si Esperanza. Sinuportahan naman ni Dencio ang kaibigan kahit hindi siya sang-ayon sa naging desisyon nito.



Iniligtas ni Edwin sa kapahamakan si Esperanza. Mababaril sana ito pero sinalo ni Edwin ang bala. Na-ospital si Edwin at inalagaan naman siya ni Esperanza. Pinatunayan ni Edwin kung gaano niya kamahal si Esperanza. Handa niyang ibuwis ang kanyang buhay para sa kanyang pinakamamahal.



Ganoon din naman si Dencio. Nang nanganib ang buhay ni Esperanza dahil sa kakagawan ng kanyang Lola Alejandra. Agad sinaklolohan ni Dencio si Esperanza. Handa rin siyang mapahamak para sa kaligtasan ni Esperanza. Tinulungan niya pang makatakas si Esperanza sa ilalim ng kapangyarihan ni Alejandra.



Pero sa huli, si Edwin pa rin ang tinitibok ng puso ni Esperanza. Si Edwin ang nagpapasaya sa kanyang mundo. Pumayag din siyang magpakasal. Ngunit sa araw ng kanilang kasal, isang hindi inaasahang rebelasyon ang nangyari. Nalantad ang tunay na anyo ni Esperanza sa harap ng marami at kay Edwin.

Matatanggap pa kaya siya ni Edwin? Matutuloy din ba ang kanilang kasal?

Sino nga ba ang karapat-dapat sa puso ni Esperanza ang kanyang matalik na kaibigan na si Dencio o ang kanyang pinakamamahal na si Edwin?

Alamin ang kasagutan sa Innamorata pagkatapos ng Villa Quintana only on GMA Afternoon Prime. Para sa updates, bumisita lagi sa www.gmanetwork.com. -- Text by Eunicia Mediodia, GMANetwork.com.