TV

Pamilyang may problema rin sa anak na nabuntis, natulungan ng 'InstaDAD'

By AL KENDRICK NOGUERA


 
"Kung hindi [dahil] sa palabas ninyo, hindi magigising [sa katotohanan] ang asawa ko. Salamat po talaga."
 
Nitong June 22 ay nakatanggap si GMA Chairman and CEO Felipe L. Gozon ng isang liham mula sa isang nanay na nagpapasalamat sa InstaDAD dahil sa napakalaking pagbabago na idinulot ng show sa kanilang pamilya.

Ayon sa letter sender, pareho ang sitwasyon ng kanilang pamilya sa istorya ng family-oriented show na InstaDAD
 
Sa series, hindi sinasadyang nabuntis ang panganay na anak ni Kenneth (Gabby Eigenmann) na si Yumi (Ash Ortega) ng kanyang boyfriend na si Dwight (Juancho Trivino). Kapwa menor de edad, hindi pa ganoong katagal ang lihim na relasyon nina Yumi at Dwight kaya't nagulat na lang ang pamilya ni Yumi na nagdadalang-tao siya. Noong una ay itinago pa ito ni Yumi dahil natatakot siya sa magiging reaksyon ng mga kapatid lalo na ng kanyang ama. Pero dahil walang sikretong hindi nabubunyag, sa huli ay inamin na rin ito ni Yumi.
 
WATCH: Teenage pregnancy on 'InstaDAD'

Sa episode ng InstaDAD noong June 7, ipinakita ng show ang tamang paraan kung paano haharapin ng isang pamilya ang ganitong klase ng problema. Nang mapanood daw ito ng asawa ng letter sender ay nabuksan ang kanyang isip tungkol sa problema sa kanyang anak.
 
Narito ang kabuuan ng liham na ipinadala mismo kay Mr. Gozon.
 
"Magandang gabi po, Sir. Sumulat po ako para lang po magpasalamat sa GMA at sa inyo. Malaki po ang naitulong ng palabas ninyo sa pamilya ko. Nabuntis po kasi ang anak kong babae na 17 [taong gulang] lang. Galit na galit po kaming mag-asawa sa kanya. Pero iyong asawa ko po [ay] binubog ang anak namin. Nag-away talaga kami ng asawa ko. Hindi kami nagkikibuan. Naawa po ako sa anak ko. Isang araw po, umuwi ng bahay ang asawa ko galing sa pamamasada ng tricycle. Iyak po siya [nang] iyak. Sinabi niya po sa akin na nagsisi siya sa ginawa niyang pambubugbog sa anak namin. 'Yun pala po [ay] napanood niya sa terminal nila ang palabas ninyo na InstaDAD, ang palabas po ninyo na nabuntis ang anak din pero ang tatay [ay] hindi naman binugbog ang anak na babae. Bagkus [ay] tinulungan [siya] ng tatay niya. Iyak po siya nang iyak nang ikuwento niya sa akin ang palabas. Sabi nga niya, tama raw ang tatay doon sa palabas [na] may kasalanan din ang magulang [sa nangyari sa kanilang anak]. Simula po noon [ay] nagbago na ang asawa ko. Lagi po kasi siyang nagsusugal [dati]. Ako naman po [ay] wala rin [palagi] sa bahay kahit Linggo [dahil sa] catering ako nagtatrabaho. Humingi po siya ng sorry sa anak namin. Sir, salamat po talaga. Kung hindi [dahil] sa palabas ninyo, hindi magigising [sa katotohanan] ang asawa ko. Salamat po talaga.”