
Itinanghal na grand champion ng ikalawang season ng “Tawag ng Tanghalan Kids” si Kim Hewitt ng Dumaguete City.
Kim Hewitt of Dumaguete City is the grand champion of 'Tawag ng Tanghalan Kids' Season 2. / PHOTO COURTESY: Gerlyn Mae Mariano
Nagwagi bilang second placer si Dylan Genicera ng Pagbilao, Quezon habang si Aliyah Quijoy ng Kawit, Cavite ang third placer.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Kim ang kanyang reaksyon nang ianunsyo na siya ang bagong champion ng naturang singing competition.
“Happy [and] tears of joy,” aniya.
Ayon pa kay Kim, inaalay niya sa kanyang ina at vocal coach ang pagkapanalo niya sa “Tawag ng Tanghalan Kids" Season 2.
Samantala, kabilang sa walong grand finalists ng kompetisyon sina Thirdy Corpuz ng La Union, Shawn Hendrix Agustin ng Pangasinan, Diane Grace Duran ng Kidapawan City, Neithan Perez ng Batangas, at Clet Nicole Fiegalan ng Muntinlupa City.
Sa episode ng It's Showtime ngayong Sabado (April 20), ipinamalas ng walong grand finalists ang kanilang talento sa pag-awit sa pamamagitan ng solo performances.
Matapos ito, inanunsyo ang tatlong grand finalists na nakakuha ng pinakamatataas na scores na pasok sa huling round at ito'y sina Dylan, Aliyah, at Kim.
Sa huling round, inawit ni Kim ang kanyang rendition ng “I Don't Wanna Miss A Thing” ng rock band na Aerosmith at nakakuha ng score na 96.7%. Kinanta naman ni Dylan ang awiting “Tao” ng Sampaguita at nakakuha ng score na 96.6% habang 96.5% ang score ni Aliyah, na kinanta ang “Lupa” ni Gary Valenciano.
Matatandaan na nagwagi si Kim Hewitt sa unang araw ng "Tawag ng Tanghalan Kids Resbakbakan" noong Lunes (April 15).