
Naghatid ng saya ang cast ng Shining Inheritance na sina Kyline Alcantara, Kate Valdez, Paul Salas, at Michael Sager nang bumisita sila sa It's Showtime noong Sabado (September 21).
Isang pangmalakasang performance ang hatid ng Sparkle stars sa stage ng noontime variety show. Ayon kina Kate at Michael, masaya sila sa kanilang experience na makapag-perform kasama ang kanilang co-stars.
“First time ko pong mag-perform dito, it's a fun experience. Thank you po,” ani Kate.
Dagdag naman ni Michael, “Ako rin po first time ko and I just want to say, grabe napakasaya dito, grabe 'yung energy. I'm so thankful to be here.”
Matapos ito, tinanong ni Vhong Navarro si Kyline kung pwede nitong ituro ang ilang dance steps mula sa pinerform nito sa stage. Dahil dito, sinabi ni Darren Espanto na sasabayan siya ng kanyang co-hosts na sina Kim Chiu at Bela Padilla sa pagsayaw.
Agad naman itong 'binalik ni Kim kay Darren at sinabing, “Parang hindi ako at saka [si Bela]. Parang ikaw at si Kyline.”
Itinuro ni Kyline ang ilang dance steps kay Darren habang tila tinutukso sila ng ibang hosts.
Noong Abril, matatandaan na inilahad ni Darren Espanto sa Fast Talk with Boy Abunda na ex-girlfriend niya si Kyline Alcantara at nagtagal ang kanilang relasyon ng isang taon at kalahati. Nilinaw din ng Filipino singer kung ano ang sinasabi ni Kyline nang bumisita ito sa It's Showtime noong Abril, gamit ang phrase na “Kasi nga…”
“Kasi nga mako-complete ko na po 'yung sentence. Kasi nga naging kami dati, so kaya binibiro kami ni Ate Vice [Ganda],” sagot ni Darren.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, Kapuso Stream, at iba pang Kapuso platforms.