
Isa na namang episode na puno ng nakakaantig na istorya at emosyon ang natunghayan sa It's Showtime segment na "And the Breadwinner Is" ngayong Martes (January 7).
Nakihula sa programa ang My Ilonggo Girl stars na sina Michael Sager at Jillian Ward kung sino ang totoong breadwinner na waiter sa tatlong tampok na breadwinnerables na sina Gina, Nekka, at Mark.
Mabusising pagkilatis ang ginawa ng dalawang stars para mahulaan kung sino ang tamang sagot. Round one pa lang, tiningnan na agad nina Jillian at Michael ang mga kamay at porma ng contestants. Pinanood din nila ang bawat kilos ng tatlo at pinakinggan ang kanilang mga madamdaming sagot.
Ngunit sa huli, hindi tumama ang kanilang hula dahil ang totoong breadwinner na food server ay walang iba kung hindi si Nekka.
"Five years na [po ako breadwinner and waitress] simula noong namatay ang papa ko due to heart attack," kuwento ni Nekka.
Sagot ngayon ni Nekka ang lahat ng gastusin ng kanyang pamilya. Simula raw namatay ang kanyang ama, hirap na ang kanyang ina na magtrabaho muli. Samantala, ang kanyang kapatid naman ay nag-aaral sa kolehiyo sa kursong architecture.
Paliwanag ni Nekka, "53 years old na ang mama ko. Wala naman siyang sakit pero medyo naghihina lang. As a daughter po kasi, mararamdaman mo po iyon, e kung okay ba ang mama mo or hindi na. Okay naman po siya pero 'yung [katawan] niya po parang hindi na siya pwede mag-work."
Naantig ang puso nina Jillian at Michael habang pinapakinggan ang istorya ng contestant. Dahil close rin si Jillian sa kanyang ina, naintindihan niya raw ang emosyon ni Nekka sa kanyang nanay.
Mensahe ni Jillian sa breadwinner, "God bless you and I'm sure na proud na proud sa iyo si mama, papa, at mga kapatid mo. Lagi mo lang tandaan may purpose ka, may purpose 'yung ginagawa mo. Sa mga nanonood ngayon, I'm sure maraming na-inspire sa iyo kasi lumalaban ka pa rin kahit anong mangyari. So God bless you, ate."
Laki rin ang hanga raw ni Michael sa breadwinner, lalo na't alam niya ang hirap sa trabaho ng food industry.
"Saludo ako sa mga people at work in the food industry kasi before nagtrabaho po ako bilang ice cream scooper. So iyang trabaho na iyan, mahirap iyan kasi kailangan po ng mahabang pasensya. So I think it's a great reminder na let's just be kind to everybody, to the people around us. Especially sa waiters, sa mga people na mahaba ang mga araw nila, and of course nakakaubos ng social battery. So proud po kami sa inyo ate (at) sa lahat po ng mga nagtatrabaho sa food industry. Let's spread positivity, happiness, and love," sabi ni Michael.
Nagpasalamat din ang My Ilonggo Girl stars na makasali sa ganitong klaseng program, na puno ng aral at emosyon tungkol sa buhay.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.
Mapapanood din ang bagong GMA Prime series na My Ilonggo Girl ngayong January 13, 9:35 p.m.
Balikan ang iba pang Kapuso celebrities na bumisita sa It's Showtime, rito: