TV

Direk John 'Sweet' Lapus, bumilib kina Zonia Mejia and Jamir Zabarte sa audition ng 'Jose and Maria's Bonggang Villa'

By Aedrianne Acar

Pinuri sa harap ng entertainment press ni Direk John “Sweet” Lapus ang teen stars nila sa primetime sitcom na Jose and Maria's Bonggang Villa na sina Zonia Mejia at Jamir Zabarte.

Sa idinaos na grand media conference ng much-awaited show nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa Luxent Hotel sa Quezon City ngayong araw, May 5, sinabi ni Direk Sweet na sa first reading pa lang nina Zonia at Jamir, alam na nila na perfect fit sila sa roles bilang Mae at Jae-Z.

Pagbibida ng seasoned comedian and director, “Magaling 'yung dalawang bata."

“We were given four loveteams to choose from Sparkle GMA Artist Center, tapos sila talaga 'yung pina-first reading. 'Tapos after namin mag-reading, sinabi na namin lahat, 'okay na kami. Sila na,' kuwento ni Direk Sweet.

“Hindi na namin pinag-read 'yung iba pang naka-line up. Ganun kahusay ang dalawang batang ito. 'Yung reading kahit via Zoom lang mararamdaman mo, e. So, tomorrow first day [May 6] nila, so good luck!”

Bago nag-simula ang grand media conference ng Jose and Maria's Bonggang Villa, nakapanayam ng GMANetwork.com ang #JaNia, dito binalikan nila ang mga nangyari nang nalaman nila for the first-time na makakasama sila sa highly-anticipated project na ito ng DongYan.

Kuwento ni Jamir sa GMANetwork.com, “Ipinagdasal ko talaga, siyempre gusto ko makasama si Zonia [Mejia] sa maraming projects and ni-launch din kami ng Sparkle GMA Artist Center na loveteam. So, gusto ko makasama siya [and] magkaroon pa kami ng maraming moments.”

“Ipinagdasal ko, tapos grabe, nakakahiya 'yun, pero nagtata-talon ako sa tuwa nung nalaman ko.”

Dagdag naman ni Zonia, “Lagi kami nag-uusap ni Jamir [Zabarte], kapag may audition na ginagawa kami together and pinagpi-pray talaga namin itong show na ito.

“Sobrang thankful kami, sobrang masaya kami na naging part kami and siyempre kasama ko si Jamir 'tsaka sina Miss Marian [Rivera], Sir Dingdong [Dantes] and everyone.”

Tutukan ang world premiere ng Jose and Maria's Bonggang Villa sa darating na May 14 sa Sabado Star Power sa gabi!

Silipin ang ilang behind-the-scenes sa shoot ng Jose and Maria's Bonggang Villa sa gallery na ito: