TV

Makikilala na ba ni Pauline si Leandro?

Kahit Nasaan Ka Man. Dito natin nasaksihan ang unang pagtatagpo ng mga batang Leandro at Pauline at ang hilig nila sa musika na siyang nagbuklod sa dalawa. Lumipas man ang maraming taon at nilayo man sila ng tadhana sa isa't isa, ay muli silang pagtatagpuin ng mga tao at pangyayari sa paligid nila.

Nagsimula ang kuwento ni Leandro sa pagpanaw ng kanyang ama at sa pag-iwan sa kanya ng kanyang inang si Delia sa kalye. Dito natuto si Leandro na mabuhay sa kalye bilang isang batang magnanakaw, at sa mga pagtatago niya sa mga pulis ay mapapadpad siya sa bakuran ng bahay ni Pauline. Aakalain ni Pauline na isang anghel si Leandro at magiging kaibigan niya ito. Gabi-gabi nang pupuntahan ni Leandro si Pauline ngunit sa kalaunan ay mahuhuli ito ni Lolo Tino, ang lolo ni Pauline, at dadalhin niya si Leandro sa bahay ampunan. Tatakas ito at babalikan si pauline ngunit madidismaya lamang siya dahil lumipat na ito ng tirahan. Sa sobrang kalungkutan ay maiisip niyang magpakamatay ngunit maililigtas siya ni Theresa na ituturing siya na parang tunay na anak.

Lalaki si Leandro sa poder ni Theresa na may magandang buhay. Ipupursigi pa rin nito ang hilig sa musika kahit mas gusto ni Theresa na maging abogado ito. Magiging kaibigan nito sa school si John, na hihingi ng pabor sa kanya para sa babaeng gusto nito. Lingid sa kaalaman ni Leandro ay si Pauline ang tinutukoy na babae ni John. Isasama ni John si Leandro sa isa sa mga performances ni Pauline at dito maaalala ni Leandro na ito ang babaeng bulag na kaibigan niya dati. Dahil sa kanyang bagong natuklasan, lalong magiging malapit si Leandro kay John para muling maging malapit kay Pauline at makilala siya.

Makilala kaya ni Pauline si Leandro kahit hindi pa rin niya nakikita ang mukha nito? Ano ang gagawin ni John kapag nalaman niya ang nakaraan ng dalawang kaibigan? Hanggang saan ang kayang gawin ni Leandro para makalapit kay Pauline? At patuloy bang haharangan ni Theresa ang pangarap ni Leandro at hilig nito sa musika?

Alamin ang mga susunod na magaganap sa Kahit Nasaan Ka Man, weeknights after 24 Oras, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com