TV

Kristoffer Martin at Lucho Ayala bilang tunay na magkaribal


Nag-umpisa na ang iringan nina Leandro at John, ang mga karakter na ginagampanan nina
Kristoffer Martin at Lucho Ayala sa GMA Telebabad show na Kahit Nasaan Ka Man.

Sa kuwento ng nasabing soap, noong una ay mag-bestfriend ang dalawa. Dumating pa nga sa puntong tinulungan ni Leandro (Kristoffer Martin) si John (Lucho Ayala) na manligaw kay Pauline (Julie Anne San Jose).

Pero nang matuklasan ni Leandro na si Pauline ang kababata na kaniyang hinahanap, nagsimula siyang magparamdam ng pagmamahal sa dalaga na naging dahilan ng pagkaselos ni John. Dito nagsimula ang galit ni John kay Leandro na humantong sa isang suntukan.

Sakaling maging tunay na magkaribal sina Kristoffer at Lucho, tinanong ng GMANetwork.com kung paano nila susungkitin ang puso ng babaeng nililigawan nila.

Ayon kay Lucho, dadaanin daw niya ito sa tinatawag niyang intellectual strategy sa pamamagitan ng art of seduction.

“If you're knowing a girl, may steps diyan eh. May ways diyan. Siyempre you have to outsmart your opponent. I will seduce her intellectually. Talagang I will romance her, not in a bad way, but in a good way,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Lucho, kung ang ibang lalaki raw ay ibinibigay lang ang kanilang best kapag nanliligaw, iba raw siya dahil ipakikita niya pa rin daw na special ang babaeng mahal niya sa araw-araw nilang pagsasama.

Samantala, iba ang strategy ni Kristoffer.

Pagiging natural lang daw ang ipakikita niya sa kaniyang nililigawan. “Ipapakita ko sa kaniya kung sino ako. Kung hindi niya ako gusto eh ‘di fine. Ganoon ako eh,” saad niya.

Paliwanag ni Kristoffer, naniniwala siyang hindi kailangang magbago ang isang tao para sa mahal nila. Dapat daw ay matanggap ang pagkatao niya dahil kung hindi ay magkakaroon lang ito ng conflict sa kanilang relasyon.

Abangan kung kanino kina Leandro (Kristoffer Martin) at John (Lucho Ayala) mapupunta ang puso ni Pauline sa Kahit Nasaan Ka Man, weeknights after Genesis on GMA Telebabad. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo Bochic Estrada, GMANetwork.com