TV

Kim Rodriguez, mixed emotions sa nalalapit na pagtatapos ng ‘Kakambal ni Eliana’


Tuwing taping ng Kakambal ni Eliana, kapansin-pansin ang kulitan ng mga cast nito na sina Lexi Fernandez, Kim Rodriguez, Enzo Pineda at Kristoffer Martin. Naging close na nga ang young stars ng top-rating Afternoon Prime show. Nagkaroon ng pagkakataon na makapanayam ng GMANetwork.com ang lead star ng naturang show na si Kim Rodriguez.

“Masaya na malungkot kasi matatapos na iyong [Kakambal ni] Eliana. Siyempre, mamimiss namin ang isa’t isa lalo na kaming apat si Enzo[Pineda], si Lexi[Fernandez], at saka si Kristoffer[Martin]. Lalo na mamimiss ko iyong si Ma’am Isabel (Jean Garcia) at saka si Tito Jomari Yllana,”ang pag-amin niya sa napipintong pagtatapos ng unang soap na kanyang pinagbidahan.

Naging hit ang Kakambal ni Eliana dahilan para ma-extend ito ng dalawang linggo. Makatotohanan ang pag-ganap ng cast kaya marami ang nahumaling sa panunuod. Tinanong namin ang Kapuso young actress kung paano niya pinaghandaan ang bawat eksena para mabigyan niya ng justice ang pagganap sa kanyang role as Eliana.

“Nasanay na rin ako, kasi simula’t simula umiiyak si Eliana. Walang taping na hindi siya umiiyak. So, nasanay na ako at saka sabi nuong acting coach naming si Miss Anne Villegas. Kailangan ko lang praktisin ang sarili ko na umiiyak araw-araw para masanay na ako na umiiyak lagi.”

Pahabol pa niya, “Hindi secret iyon, tips iyon.”

Sa laging pag-iyak ni Kim Rodriguez bilang Eliana, may pinaghuhugutan ba siya para mapaiyak ng ganun na lang?

“Pagdating sa taping, na-absorb ko na ang pagiging Eliana [ko]. Wala na si Kim, si Eliana na. Kapag nahihirapan ako minsan, humuhugot ako sa ka-eksena ko.”

Lingid sa kaalaman ng marami, naging malapit ang loob ni Kim kina Jomari Yllana at Jean Garcia sa simula pa lang. Ayon sa kanya, sila ang mga magulang niya sa showbiz.

“Si Tito Jomari[Yllana] at si Ms. Jean Garcia, sabi nila sa akin, sila daw ang official mommy and daddy ko.”

Ano ba ang naging advice nila sa kanya? “Huwag lalaki ang ulo. Unang-una, isipin mo attitude. Kailangan hindi ka magbabago. Kung ano ka nagsimula, ganuon ka rin po hanggang sumikat ka at makilala ka ng mga tao.”

Pagdating sa pag-arte, mga batikang artista na sina Jomari Yllana at Jean Garcia. Marami na raw natutunan si Kim galing sa dalawa. “Sobrang dami ko pong natutunan. Pagdating sa pagiging artista, binibigyan po nila ako. ng advice. Kasi alam naman po natin na malalayo ang narating nila.”

Dahil sa tinatamasang tagumpay at kasikatan ni Kim Rodriguez sa showbiz, marami ang nag-aakalang lumaki na ang ulo niya. Pinabulaanan ni Kim ang mga paratang sa kanya.

“Pakiramdam ko po sa akin, wala pong nagbago. Kung ano po ng pumasok ako, ganun pa rin ako hanggang ngayon. At saka, nagtatanong din ako sa iba kung nagbabago na ako. Kasi, hindi ko maramdaman sa sarili ko iyon. Hindi naman panghabang-buhay ganito[artista] ako. Sabi naman ng iba di naman ako nagbabago,” paliwanag niya.

Sa pagtatapos ng aming interview, sinabi niya kung ano pa ang mga dapat abangan sa Kakambal ni Eliana, “Abangan po nila kung kanino mapupunta si Eliana [kung] kay Julian ba o kay Gabo. At kung matatanggap ba ako ng mga tao na may kakambal akong ahas.”

Huwag palampasin ang nalalapit na pagtatapos ng Kakambal ni Eliana sa GMA Afternoon Prime after Maghihintay Pa Rin, only in GMA. -- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.