TV

Louise on Aljur: 'Kapag umarte na siya, parang natutunaw ang puso ko'


Bagama't unang project nina Aljur Abrenica at Louise Delos Reyes as a love team ang Kambal Sirena, inaamin ng dalawa na sobrang komportable na sila sa isa’t isa.

“Even before naman, magkaibigan na kami, saka naging magka-group kami sa Sunday All Stars,” sabi ni Louise.

Kinumpirma naman  ito ng kanyang leading man na lubos na humahanga sa kanya.

“Behind cam, magkaibigan talaga kami… Marami akong natututunan kay Louise when it comes to work ethics—'yung pagiging professional niya. 'Yun ang pinakanaa-appreciate ko sa kanya ay 'yung passion niya,” kwento ni Aljur.

Nagpapasalamat naman si Louise dahil hindi siya pinapabayaan ng katambal. “Si Aljur po, napakamaalaga niyang partner, kasi tinatanong niya sa akin kung komportable ba 'ko sa mga ginagawa niya, kunyari sa mga holding hands or sa mga akbay sa mga eksena,” aniya.

Dagdag pa ng Kapuso leading lady, kinikilig siya sa mga eksena nila. “Ina-admit ko na ngayon na kapag tumitingin siya, may iba talaga eh. Kikiligin ka talaga. Kapag umarte na siya, parang natutunaw ang puso ko,” patawang pagkuwento ni Louise.

Dahilan ba ito para magselos ang boyfriend niya na si Enzo Pineda? Ayon kay Aljur, walang kailangang pagselosan ang nobyo ng kanyang bagong ka-love team.

“Enzo naman. Pare, walang ganun,” wika ni Aljur. “Kasi mahal na mahal ko 'yan si Enzo,” dagdag niya.

Panoorin sina Aljur at Louise sa ‘Kambal Sirena’, ang bagong sirenaserye na tinatalakay ang iba’t ibang kwento ng pag-ibig at pamilya. Abangan ito araw-araw sa GMA Telebabad.

-- Text by Meryl Ligunas, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com, Interview by StarTalk