TV

Ang bagong reyna ng mga sirena


Pagkatapos ng trahedya sa karagatan, inakala ng lahat na namatay na si Alona. Naging mahirap para kina Marissa at Perlas na tanggapin ang sinapit ng sirena, ngunit kinailangan nilang ipagpatuloy ang buhay nang wala na si Alona.

Lingid sa kanilang kaalaman ay nakaligtas si Alona sa pagsabog. Natunton siya ni Betilya at dinala sa Sirenadia. Hindi naging masaya si Alona sa pananatili niya sa kaharian ng mga sirena kaya sinubukan niyang bumalik sa islang tinitirhan nilang mag-ina. Ngunit hindi na niya nadatnan ang kanyang ina at kakambal, kaya nagdesisyon si Alona na kalimutan na sina Marissa at Perlas at manatili na lamang sa Sirenadia.

Sa paglipas ng panahon ay nagdalaga sina Alona at Perlas. Nagtapos sa pag-aaral si Perlas at nagtrabaho sa isang water park, habang si Alona naman lumaki sa piling ng kanyang lola, si Reyna Arowana. Hindi nagtagal ay naisip ng reyna na ibigay na ang kanyang korona at kapangyarihan sa kanyang apo.

"Bilang kaisa-isa kong apo, sa 'yo ko ipinamamana ang aking kapagyarihan at ang aking korona. Umaasa ako Alona, na sa iyong pamumuno, ay mapapanatili mo ang kapayapaan at kasaganahan ng Sirenadia," pahayag ni Arowana.

Hindi man ito agad na tinanggap ni Alona ay napapayag din siya ng kanyang lola. "Matagal kong pinag-isipan kung tatanggapin ko ba ang ganitong kalaking responsibilidad. Napakabata ko pa para maging isang reyna. Pero sa kabila ng aking kahinaan, buong puso akong pinagkatiwalaan ng aking Lola Arowana. Kaya naman, buong puso ko ring tinanggap ang pagiging reyna ng Sirenadia. Nangangako din ako na hinding hindi kayo mabibigo sa akin, at kahit sarili kong buhay ay itataya ko para lang sa ikabubuti ng Sirenadia."

Ngayong si Alona na ang bagong reyna ng Sirenadia, ano kayang mga pagsubok ang kanyang haharapin? Ang pagkakahirang niya kaya ang magiging daan para muli silang magkita ni Perlas?

Alamin ang mga susunod na mangyayari kina Alona, Perlas at sa mga taong nakapaligid sa kanila sa Kambal Sirena, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng 24 Oras, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com