TV

Ang mga sikreto ni Perlas


Sa paglipas ng panahon, hindi lamang ang hasang ni Perlas ang kanyang naging sikreto. Nadagdagan ito nang maging personal assistant siya ni Kevin. Nalaman niyang niloloko ito ni Macy. Binabalak na niyang sabihin ito kay Kevin ngunit nagkaroon ng alas si Macy laban sa kanya - narinig ni Macy ang usapan nila ni Gigi at inakala nito na may gusto ni Perlas kay Kevin.

Dahil dito ay hindi agad naisumbong ni Perlas si Macy. Pero inunahan siya ni Macy. Sinabi nito kay Kevin na in love si Perlas sa kanya. Dahil dito ay pinuntahan ni Kevin si Perlas sa bahay. Nalaman daw kasi niya na magre-resign ito dahil may gusto siya sa kanya. Itinanggi ito ni Perlas, at wala naman daw talaga siyang balak umalis sa trabaho. Tinanong ni Kevin kung ano talaga ang kanyang dahilan, pero hindi pa rin niya nasabi na may relasyon si Macy sa pinsan ni Kevin na si Homer.

Lalong naging malapit sa isa't isa sina Kevin at Perlas pagkatapos ng insidenteng iyon. Hindi na rin napigilan ng dalaga na totoong magkagusto sa kanyang boss, kaya napanaginipan na niya na hinahalikan siya ni Kevin.

Siya rin ang kinonsulta ng binata sa anniversary surprise na binabalak nito para kay Macy. Sinukat ni Kevin sa kanya ang bracelet na ibibigay nito kay Macy. Sinayaw din siya ni Kevin bilang practice sa dinner nito with his girlfriend.

Dumating ang araw ng sorpresa ni Kevin, ngunit hindi naging maganda ang tinakbo nito. Natuklasan nito na niloloko siya ni Macy, dahilan para maglasing ito. Nahulog ito sa yatch at bumagsak sa dagat. Alalang alala si Perlas nang madatnan na wala ng tao sa yate kaya tumalon ito sa dagat para hanapin si Kevin. Nakita niya itong nakasampa sa isang bato. Abot langit ang pasasalamat ni Kevin sa dalaga.

Natanggalan man ng tinik si Perlas sa pagkakatuklas ni Kevin sa lihim ni Macy ay panibagong problema naman ang haharapin niya. Nagsumbong si Macy sa mommy ni Kevin na si Susana. Sinusulsuhan daw ni Perlas si Kevin kaya ito nakipaghiwalay sa kanya. Ipinatawag siya ni Susana sa opisina nito at inalispusta ng husto. Binalaan din siya na patatalsikin siya sa trabaho kung patuloy pa rin niyang sisirain ang relasyon ng dalawa.

Magawa kaya ni Perlas na layuan si Kevin ngayong mas napalapit na ang loob ng lalaki sa kanya? At ano ang gagawin ni Susana sakaling malaman niya na si Perlas ay anak ni Marissa, ang babaeng nagtaksil at nakapatay sa kanyang kapatid na si Enrique?

Sundan ang kuwento ni Perlas at ng kakambal niyang si Alona sa Kambal Sirena, gabi-gabi sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com