TV

Ang unang pag-ibig nina Alona and Perlas



Punong puno ng kilig at pagmamahal ang sirena seryeng Kambal Sirena noong nakaraang linggo. Parehong naramdaman nina Alona at Perlas na mahalaga sila kina Jun at Kevin, na hindi hahayaan ng dalawang lalaki na sila ay mapahamak.

Parehong na-stranded sa isang isla sina Kevin at Perlas dahil inabutan sila dito ng masamang panahon. Nagdesisyon sila na manatili muna sa bahay nina Domeng at Nida at kinabukasan na lamang pumalaot. Dahil naulanan ay nilagnat si Kevin. Alalang-alala ni Perlas sa kalagayan ng kanyang boss kaya magdamag niya itong inalagaan at binantayan. Natuwa naman si Kevin nang magising siyang katabi si Perlas. Mas naging malapit ang dalawa lalo na nung nagsayaw sila at muntik nang maghalikan. Sa kanilang pagbalik sa water park, ipagtatapat na nila ang kanilang tunay na nararamdaman sa isat' isa. May makakapigil pa kaya sa kanilang pagmamahalan?

Habang masaya si Perlas ay iba naman ang pinagdaanan ni Alona. Sa kanyang paghahanap kay Kevin sa ibabaw ng dagat ay mata-trap siya sa lambat ni Jun. Nagpumiglas si Alona kaya tumama ang ulo niya sa bangka at nawalan ng malay. Nang magising siya ay nasa kubo na siya ni Jun, at dito ipinaliwanag ng binata na hindi siya sasaktan nito. Noong una ay nagmatigas pa si Alona, pero hindi nagtagal ay nakita niyang walang masamang hangarin sa kanya si Jun. Balak pa nga nitong ibalik siya sa dagat kapag kaya na ng katawan niya. Ngunit manganganib ang buhay ni Alona dahil nalaman ni Ramon, ang ama ni Jun, na may sirenang itinatago ang anak nito. Kaya naman sa araw na papakawalan na ni Jun si Alona sa dagat ay tutugisin si Alona ng mga mangingisda. Maililigtas kaya siya ni Jun?

Ngayong pareho nang umiibig sina Alona at Perlas, dadating na kaya ang pagkakataon na magkita silang magkapatid? O mas lalayo ang loob nila sa isa't isa gayong iisang lalaki ang tinitibok ng puso nila?

Huwag palampasin ang paganda nang paganda na mga kaganapan sa Kambal Sirena, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng 24 Oras, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com