TV

Ang panibagong hamon sa pag-iibigan nina Kevin at Perlas


Noong nakaraang linggo sa Kambal Sirena, nasaksihan natin ang pag-usbong ng pagmamahalan sa pagitan nina Kevin at Perlas. Sa dami ng kanilang pinagdaanan sa mga taong tutol sa kanilang pag-iibigan ay nauwi din sa pag-amin sa isa't isa ang kanilang tunay na nararamdaman. Handa rin nilang ipaglaban ang kanilang relasyon, lalo na kina Susana at Macy. Pero paano kung may isa pang banta na papagitna sa kanila, isang banta na hindi kayang labanan ni Perlas?

Kasabay ng love story nina Kevin at Perlas ay ang pagkabigo sa pag-ibig ni Alona, na pinagkasundo na ni Arowana kay Ataba. Labag sa kalooban ni Alona ang pakasalan si Ataba dahil ang gusto niya ay isang taga-lupa, si Kevin. Nalaman ito ni Ataba kaya naman agad na nagsumbong kay Arowana. Imbes na pilitin si Alona ay napaisip ang dating reyna sa kanyang naging desisyon. Nakita niya ang lungkot na nararamdaman ng kanyang apo kaya sinundan niya ito sa islang madalas puntahan ni Alona.

Nagulat si Alona sa pagdating ng kanyang lola. Isang magandang balita ang hatid ni Arowana - pinapalaya na niya si Alona at hindi na niya ito pipiliting magpakasal kay Ataba. Nabigla si Alona sa kabaitang ipinakita ni Arowana sa kanya kaya naman magdedesisyon siyang pagbigyan na ang gusto nito.

Sa pagbalik ni Alona sa Sirenadia ay mayroon siyang isang malaking anunsiyo. Imbes na hanapin ang lalaking kanyang minamahal ay mananatili na lamang daw siya sa Sirenadia at papakasalan na niya si Ataba. Tuwang tuwa ang buong kaharian, lalo na si Ataba.

Ngayong magpapakasal na si Alona ay naisip nitong balikan ang dating bahay nilang mag-iina para pormal na magpaalam sa buhay sa ibabaw ng tubig. Sumabay naman dito ang fireworks na inihanda ni Kevin para kay Perlas, na parehong nasaksihan nina Alona at Macy.

Galit na galit si Macy nang makita ang fireworks. Alam niya agad na sinagot na ni Perlas si Kevin. Dahil sa sama ng loob ay itinapon niya sa dagat ang lahat ng gamit nila ni Kevin, kasama na dito ang litrato ng lalaki. Makukuha ito ni Alona sa ilalim ng dagat, at tila isang sign ito para hindi niya ituloy ang pagpapakasal kay Ataba.

Nakita ni Biya ang buong pangyayari, at sasabihin niya kay Alona na may kilala siyang makakatulong sa problema ng sirena. Dinala niya si Alona sa kuweba kung saan nakakulong si Barakuda. Alam ni Barakuda na gustong gusto ni Alona na magkaroon ng paa, at may bracelet daw na makakapagbigay ng paa sa kanya. Ikinuwento pa ni Barakuda na naging suliranin din ito ng ama nina Alona at Perlas na si Damos, at ito rin ang naging solusyon para magkaroon siya ng paa.

Matutukso kaya si Alona na hanapin ang bracelet na tinutukoy ni Barakuda? At kapag nagkapaa na siya, aagawin ba niya si Kevin mula sa kakambal niyang si Perlas?

Huwag palampasin ang mga kapana-panabik na mga eksena ng Kambal Sirena, weeknights pagkatapos ng 24 Oras, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com