TV

A week of revelation for 'Kambal Sirena'


Pagkatapos aminin nina Kevin at Perlas na mahal nila ang isa't isa, naging sunod-sunod ang mga rebelasyon sa Kambal Sirena. Una na rito ang pagkakatuklas ni Susanna na girlfriend na ni Kevin si Perlas. Tutol man siya ay wala siyang magawa dahil ipaglalaban ni Kevin ang kanyang girlfriend sa kahit sinong mang-aapi dito. Nalaman na rin ito ng kanyang ex-girlfriend na si Macy, at kahit ilang beses na siyang inayawan ni Kevin ay desidido pa rin siyang makuha ang binata. 

Nakaisip ng masamang plano si Macy para masisante si Perlas sa trabaho. Sa tulong ng isa sa mga tauhan ni Kevin ay pinalabas nilang ninakawan ni Perlas si Susanna. Iniwan pa nila ang ID ni Perlas sa opisina ni Susanna para may ebidensiya ang kanyang ginawa. Muntik nang patalsikin ni Susanna sa trabaho si Perlas pero to the rescue si Kevin sa kanyang girlfriend. Alam niyang hindi ito kayang gawin ni Perlas kaya ipinaglaban niya ito sa mommy niya. Dahil sa pakiusap ni Kevin ay hindi na tinanggal ni Susanna si Perlas, pero binalaan nito na huwag na huwag nitong saktan ang kanyang anak.

Hindi naman ito ikinatuwa ni Macy. Pursigido siyang ilabas ang kahit anong sikreto ni Perlas na pupuwedeng ikasisira ng relasyon nila ni Kevin. Napansin niyang laging tinatakpan ni Perlas ang kanyang leeg gamit ang kanyang buhok, dahilan para lalo siyang maintriga at tuklasin kung ano ang itinatago ni Perlas sa leeg niya.

Ilang beses siyang nabigo before she succeeded in finding out Perlas' secret. Sa kagustuhan kasi niyang makita ang nasa leeg ni Perlas ay nahulog siya sa tulay at bumagsak sa ilog. Sinagip siya ni Perlas, pero habang niyayakap at pinapasalamatan niya ito ay nagkaroon siya ng pagkakataong silipin ang leeg ng dalaga, at doon niya nakita ang hasang nito.

Takot na takot si Perlas dahil alam na ni Macy ang lihim niya. Hindi niya alam kung paano ito ipapaliwanag kay Kevin. Kung kailan naman kasi siya handa nang sabihin ito sa boyfriend ay palaging hindi natutuloy. Hanggang sa dumating ang birthday surprise ni Susanna para kay Kevin.

Present ang lahat ng pamilya, kaibigan at mga empleyado ni Kevin sa party. So Macy took this chance para ipahiya si Perlas at ipaalam sa lahat, lalo na kay Kevin, na may hasang ang babaeng pinakamamahal niya. Gulat na gulat si Kevin sa nakita niya, pero hindi siya natuwa sa ginawa si Macy. Hinabol niya si Perlas pero pinagtaguan siya nito.

Now that her secret is out, napagdesisyunan ni Perlas na bumalik muna sila ni Marissa sa dati nilang bahay sa Palawan para magbakasyon. Nalaman ito ni Kevin at sinundan sila doon. Hinarap ni Kevin sina Marissa at Ligaya at sinabi niyang tanggap niya si Perlas ng buong buo. Hindi daw nagbago ang pagmamahal niya sa dalaga kahit pa alam na nito ang sikreto niya.

Ngayong alam na ng lahat ang tungkol sa kanyang hasang, handa na rin kaya si Perlas na sabihin kay Kevin ang tungkol kay Alona? Paano tatanggapin ng pamilya ni Kevin si Perlas kapag nalaman nilang si Marissa ang ina nito?

Huwag palampasin ang mga kaabang-abang na eksena sa Kambal Sirena, weeknights after 24 Oras, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com