TV

Louise delos Reyes on Aljur Abrenica:'Sobrang totoy pa rin niya talaga'


Kilala si Aljur Abrenica sa pagiging romantic na leading man, ngunit ang hindi alam ng lahat, isang komedyante sa tunay na buhay ang aktor.

Ang nakapagpatunay ng kakulitan ni Aljur ay ang kanyang Kambal Sirena leading lady na si Louise delos Reyes. Aniya, “isa ‘to sa mga characters na na-portray niya na sobrang gaan lang. Masayahin siya, na makikita mo 'yung kulit niya talaga”.

“Yung mga gulat-gulat niya sa akin sa squeak squeak [ang laruan na gamit ni Kevin sa Kambal Sirena], totoo po 'yun. Nagugulat po talaga ako,” dagdag ng aktres.

Ang panggugulat na ito ay ipinakita noong mga unang araw na nagkakilala sina Kevin [Aljur Abrenica] at Pearl [Louise delos Reyes]. Kuwento ni Louise, candid ang mga eksena nila ni Aljur. “Hindi niya sinasabi sa akin. Minsan pinapahawak sa kanya tapos bahala na siya. So minsan sa mga seryosong scenes, nagugulat ako at natatawa ako siyempre”.

Dagdag ni Louise, sa edad na 24 years old, bata pang mag-isip ang kanyang on-screen partner. “Si AJ, totoy pa rin siya e. Kahit batak siya at macho at saka 24 na siya sobrang totoy pa rin niya talaga. Kaya sobrang happy lang”.

Kilala rin ang aktor sa pagkanta. Ngunit ang hindi alam ng nakararami, mahilig rin itong sumayaw. “More than singing sa set, mahilig siyang sumayaw. Favorite niya ngayon yung ‘Happy’ [by Pharrell Williams],” pahayag ng aktres.

Patuloy na subaybayan ang kulitan at drama nina Louise delos Reyes at Aljur Abrenica sa Kambal Sirena, Monday to Friday pagkatapos ng 24 Oras.

-Text by Maine Aquino, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com