TV

Karelasyon: Kasambahay, nabuntis ng kanyang amo

Nagbabalik-telebisyon ang kinagiliwan at pinag-usapang drama anthology na Karelasyon.

Sa April 28 episode ng Karelasyon, natunghayan ang pagtataksil ni Lloyd (Roi Vinzon) sa kanyang asawang si Ces (Melissa Mendez).

Madaling nahuhuli ni Ces ang mga panloloko ni Lloyd dahil sa pamamahay nila mismo ginagawa ang pantatraydor ng kanyang mister.

Laging may napapaalis na kasambahay si Ces dahil nilalandi ni Lloyd ang mga ito.

Nang dumating ang bago nilang kasambahay na si Hasmin (Mercedes Cabral), lalo pang tumindi ang pagkalugmok ni Ces.

Iba si Hasmin sa lahat ng naging kasambahay ng mag-asawa dahil ang dalaga ay sanay lumaro hanggang sa napaikot niya si Lloyd.

Nang mahuli ni Ces ang ginagawang panloloko nina Lloyd at Hasmin, pinalayas niya agad ang kasambahay at binigyan ng pera para huwag nang magpakita sa kanila.

Paulit-ulit na inaabuso ni Lloyd ang tiwala at pagmamahal ng kanyang asawa.

Pero sa lahat ng kanilang pinagdaanan at sa dami na ng tiniis ni Ces, minarapat niyang huwag sumuko alang-alang sa kanilang nag-iisang anak na si Mira (Stephanie Sol).

Isang gabi, sumugod si Hasmin sa bahay ng kanyang mga dating amo at sinabing buntis siya at si Lloyd ang ama.

Labis ang galit ni Ces sa dalawa at minarapat na palayasin si Lloyd sa kanilang pamamahay.

Sa puntong iyon, napagtanto ni Ces na kailangan na niyang bumitiw sa isang pagsasamang binubuhay na lamang ng pag-uunawa at pagtitiis.

Panoorin ang buong episode dito:

Sa mga nais balikan ang full episodes ng Karelasyon, pumunta lang sa GMANetwork.com o GMA Network app.

Para naman sa mga Kapuso abroad, bisitahin ang www.gmapinoytv.com para sa iba pang impormasyon kung paano mapapanood overseas ang drama anthology.