TV

Cast ng 'Legal Wives,' humanga sa family values ng mga Mranaw

By Marah Ruiz

Ang family values daw ng mga Mranaw ang ilan sa mga mahahalagang bagay na natutunan ng lead stars ng upcoming GMA Telebabad series na Legal Wives.

Naikuwento ito nina Kapuso Drama King Dennis Trillo, Alice Dixson, Andrea Torres, at Bianca Umali nang nakipag-bonding sila online sa Kapuso ArtisTambayan noong June 8.

Ang Legal Wives ay tungkol sa isang kakaibang pamilya kung saan pakakasalan ng isang lalaking Mranaw ang tatlong magkakaibang babae para sa iba't ibang dahilan.

Para kay Andrea, na gaganap bilang Diane, ang nag-iisang Kristiyano sa tatlong asawa, lubos siyang humahanga sa pagmamahal kay Allah at pagpapahalaga sa Quran ng mga Mranaw.

"Ang pinaka humanga ako sa kanila, grabe 'yung pagmamahal nila kay Allah. Talagang susundan talaga nila kung ano 'yung nakalagay doon so Quran kahit na ang hirap hirap," pahayag ni Andrea.

Masusulyapan daw ito sa karakter ni Dennis na si Ismael.

"Makikita mo, may mga parts doon [sa serye] na parang hirap na hirap na si Ismael. Kung siya 'yung papipiliin, hindi naman talaga 'yun 'yung gusto niyang gawin. Pero kailangan niyang gawin para kay Allah kasi 'yun 'yung dapat. Nakakahanga 'yun 'di ba?" paliwanag ni Andrea.

Bagong perspektibo naman daw ang naibigay ng serye kay Bianca, na gaganap bilang pinakabatang asawang si Farrah.

"Bago naibigay sa akin ito proyektong ito, wala talaga 'kong ganoong alam sa kultura ng mga Mranaw or sa kultura at relihiyon ng mga Muslim. Ngayon nandito ako at nakikita ko lahat, sa totoo lang sobrang daming matututunan pati about life eh--'yung perspective sa buhay, kung paano mo titingnan 'yung mga sitwasyon," lahad ni Bianca.

Tulad ni Andrea, humanga rin daw si Bianca sa pagmamahal ng mga Mranaw kay Allah.

"Isa sa mga paborito ko, kung paano nakabase lahat ng ginagawa nila para sa pagmamahal nila kay Allah. Kahit na ano man 'yan basta para kay Allah, 'yun ang gagawin nila. Another thing na gusto ko is 'yung unity nila. One for all, all for one sila. Napakaganda," kuwento ni Bianca.

Malapit nang mapanood ang seryeng maglalahad ng buhay at pag-ibig ng mga Mranaw. Huwag palampasin ang world premiere ng Legal Wives sa June 21 pagkatapos ng First Yaya sa GMA Telebabad.

Samantala, panoorin ang Kapuso ArtisTambayan ng Legal Wives stars dito: