TV

Jo Berry, sumalang na sa look test para sa 'Lilet Matias: Attorney-at-Law'

Isang kaabang-abang na proyekto na naman ang pagbibidahan ng Kapuso actress na si Jo Berry.

Mapapanood sa upcoming GMA Afternoon Prime legal series na Lilet Matias: Attorney-at-Law ang Sparkle star na si Jo Berry kung saan gaganap siya bilang si Lilet Matias, ang maliit ngunit mabagsik na abogada na may malaking pangarap para sa mga naaapi.

Sumalang na sa look test kahapon ang aktres kasama ang iba pang cast ng naturang programa gaya nina EA Guzman, Jason Abalos, Joaquin Domagoso, Zonia Mejia, Glenda Garcia, Hannah Arguelles, at Ariel Villasanta.

Sa Instagram, ibinahagi ni Jo ang ilang mga larawan mula sa kanilang look test kasama ang cast, production crew at direktor ng inaabangang Kapuso serye na si Adolfo Alix Jr.

"Team Atty. Lilet Matias #soononGMAAfternoonPrime" sulat niya sa kanyang caption.

Nag-post din ng ilang mga larawan ang Sparkle heartthrob na si EA Guzman kasama si Jo Berry.

Sa isang exclusive interview ng GMA entertainment reporter na si Lhar Santiago ay binanggit ni EA kung gaano siya kasabik na makatrabaho si Jo.

Aniya, “Very excited, kuya Lhar, especially first time kong makatrabaho si Jo Berry and looking forward na makaeksena siya. Kilig, comedy, and drama kumbaga para sakin natsa-challenge din ako kasi first time naming magkatrabaho. Kailangan walang ilangan, kailangan ma-deliver namin nang maayos yung mga eksena namin.”

Samantala, iikot ang istorya ng inaabangang Kapuso serye na ito sa journey ni Lilet Matias bilang isang abogada at sa iba't ibang kaso na kanyang hahawakan kabilang na ang isang rape case na kasasangkutan ng kanyang half-sister na susubok sa kanyang career at magiging dahilan para mabuo ang kanyang pagkatao.

TINGNAN ANG CUTEST PHOTOS NI JO BERRY SA GALLERY NA ITO: