TV

Ruru Madrid, nagkaroon ng minor accident sa set ng 'Lolong'

By Marah Ruiz

Nasa maayos na lagay si Kapuso actor Ruru Madrid matapos magkaroon ng minor accident sa set ng upcoming action adventure series na Lolong.

Nagyari ang aksidente noong Sabado habang nagpe-perform ng isang stunt kung saan na-out of balance ang aktor.

Image Source: rurumadrid8 (Instagram)

"Medyo nag-alangan ako kasi gusto ko pang i-perfect 'yung scene. Medyo nakulangan ako doon sa taas ng talon ko. Sabi ko in this take, mas tataasan ko siya. Habang ginagawa ko siya, nagulat ako din sa sarili ko na ganoon kataas 'yung take off ko. Kaya noong pagbagsak ko, unexpected na bigla ako na-twist 'yung right foot ko," kuwento ni Ruru.

Agad naman binigyan si Ruru ng paunang lunas ng mga medic na kasama nila sa set.

"Hindi ko kayang tumayo dahil sa sobrang sakit. Good thing na 'yung medic natin dito sa set namin, mabilis silang rumesponde. Nandoon sila lagi sa set, naka-ready sila," lahad ng aktor.

Sinugod sa pinakamalapit na ospital si Ruru. At dahil nasa lock-in taping, kinailangan niyang sumailalim sa ilang mahigpit na health and safety protocols para makalabas at makapabalit sa taping bubble.

"Sa nearest hospital, siyempre konti po ang tao, kailangan din po namin sundin 'yung mga protocols. Hanggat maaari, kung sino man 'yung isa lang na puwede kong makasama dito para lang at least may magbabantay sa akin doon," bahagi ni Ruru.

Sa kasamaang palad, nagtamo si Ruru ng minor fracture sa kanyang kanang paa. Rekomendasyon din ng kanyang mga doktor na magpahinga siya ng dalawa hanggang anim na linggo.

Ikinalungkot ito ni Ruru dahil may anim na taping days pa sanang nalalabi para matapos ang huling lock-in ng Lolong.

"To be honest, I'm very sad. Ayoko po kasi na because of me, made-delay po 'yung trabaho. But hindi naman po 'yung pinaramdam sa akin ng mga tao po dito sa set," aniya.

Nagbigay naman mga mensahe ang ilan sa kanyang mga co-stars.

"Ruru, bebe, alam mo naman kung gaano ka namin kamahal at kung gaano ka namin sinusuportahan," sambit ni Jean Garcia.

"Suportado ka namin, Ruru. Mahal ka namin. Pagaling ka nang maigi. Mabuhay ang 'Lolong!'" pagpapatuloy naman ni Christopher de Leon.

Sisikapin naman daw ni Ruru na makabalik nang malakas at malusog para ipagpatuloy ang serye.

"Gagawin ko po lahat para maging mabilis po 'yung recovery ko," pangako ni Ruru.

Bukod kina Ruru, Christopher at Jean, bahagi din ng bigatin at star-studded cast sina Shaira Diaz, Arra San Agustin, Bembol Roco, Malou de Guzman, Rochelle Pangilinan, Ian de Leon, Mikoy Morales, Paul Salas, DJ Durano, Marco Alcaraz, at Maui Taylor.

May special participation din sa serye sina Leandro Baldemor at Priscilla Almeda.

Abangan ang Lolong, ang dambuhalang adventure-serye sa Philippine primetime, soon on GMA Telebabad.

Samantala, silipin ang 45-day lock-in taping ng Lolong dito: