TV

'Lolong,' nagpatuloy na ng lock-in taping

By Marah Ruiz

Nagbalik na sa lock-in taping ang cast at crew ng upcoming action adventure series na Lolong.

Ito ang pangatlo at huling lock-in taping ng serye kung saan tatapusin na nila ang mga eksena na naantala nang maaksidente on set ang bidang si Ruru Madrid.

Sa kanyang Instagram account, ipinakita nu Ruru ang pagbabalik-kundisyon ng kanyang katawan para gumanap bilang si Lolong, isang binatang may kakaibang kakayanan na makipag-usap sa isang higanteng buwaya.

Bukod dito, nagbahagi rin siya ng ilan pang litrato mula sa set.

"Finally, I'm Back! Let's go Team Lolong!” sulat niya sa caption ng kanyang post.

Masaya rin sa pagbabalik-trabaho ang isa sa mga leading ladies niyang si Shaira Diaz, na gaganap naman bilang kababata ni Lolong na si Elsie.

Nag-post din si Shaira sa kanyang Instagram ng behind-the-scenes photo kasama ang iba pa nilang co-stars kabilang sina Arra San Agustin, Mikoy Morales, Rochelle Pangilinan, DJ Durano, Thea Tolentino, at Alma Concepcion.

Source: shairadiaz_ (IG)

Matatandaang nagtamo si Ruru ng matinding sprain, na noong una ay inakalang fracture, habang nagpe-perform ng isang stunt para sa Lolong.

Dahil dito, kinailangang itigil ang taping na may anim na araw pa sanang nalalabi, para makapagpagaling siya.

Samantala, abangan ang pagdating ng higanteng action adventure series na Lolong, malapit na sa GMA!