
Nakakaantig sa puso ang mensahe ng Kapuso star na si Ruru Madrid para sa lahat ng bumubuo ng dambuhalang adventure serye na Lolong.
Ipinasilip ng Kapuso hottie sa kaniyang Instagram post ang ilan sa highlights ng naging lock-in taping nila at dito, taos-puso niyang pinasalamatan hindi lamang ang mga co-star, kundi ang buong production team ng show.
Post ni Ruru, “Maraming salamat sa inyong lahat... Nagdaan man tayo sa napakaraming pagsubok, problema, pero wala ni isa sa atin ang sumuko. Lahat tayo ay nanaig ang pagmamahal sa programa na ito.
“Lahat tayo naniniwala na magiging matagumpay ang show na ito dahil din yun siguro sa pagmamahal at suporta na binibigay natin sa bawat isa.”
Ayon pa sa Sparkle actor, naging source of inspiration niya ang bawat tao na kasama niya sa Lolong. Paliwanag niya, “Kayo ang nagsisilbing inspirasyon sa akin sa buong lock-in taping natin. Kahit na nakakapagod, nawawala 'yun sa tuwing nakikita ko kayo na kinakaya n'yo ang hirap at pagod para sa ikagaganda ng ating programa.”
“Habang buhay ko kayong mamahalin. Salamat ulit sa inyong lahat, hanggang sa muli nating pagsasama-sama. Mahal ko kayo,” ani Ruru.
Napa-react naman sa heartwarming post ni Ruru Madrid ang kaniyang leading ladies sa serye na sina Arra San Agustin at Shaira Diaz.
Source: rurumadrid8 (IG)
Hindi biro ang pinagdaanan ni Ruru sa paggawa ng Lolong. Matatandaan na noong Marso, natigil pansamantala ang kanilang shooting matapos magtamo ng injury ang Kapuso actor habang may ginagawang stunt.
Silipin ang jaw-dropping transformation ni Ruru bilang isa sa top hunks ng Kapuso Network sa gallery na ito.