
Narito na ang bagong teaser ng much-awaited upcoming action adventure series na Lolong.
Batid bagong teaser ang kamanghamanghang physical transformation ng lead star nitong si Kapuso Action Prince Ruru Madrid.
Gaganap siya sa serye bilang Lolong, isang binatang nagtratrabaho sa niyugan na matutuklasan ang kakaiba niyang kakayanan na makipag-usap sa isang dambuhalang buwaya.
Minsan nang ibinahagi ni Ruru na sinikap niyang ibagay ang kanyang pangangatawan para sa kanyang role.
Ibinahagi niya ang regular workouts niya sa tulong ng coach na si Ghel Lerpido. Iniba rin ni Ruru ang kanyang diet para mas maging lean ang kanyang physique.
"Basically pinakamalakas na carb intake ko is 50 grams a day. Ang protein ko 200 grams daily. Mayroon akong one day na 300 grams na carbs. Medyo tricky kasi first time ko ginawa itong diet na ito but effective naman so far. At least nakakakain pa rin nang tama," paliwanag ng aktor.
Bukod kay Ruru, isa rin sa pinakaaabangan sa serye ang higanteng buwaya na si Dakila na makikita rin sa teaser.
Para mabigyang-buhay ito, gumamit ang programa ng magkahalong animatronics at computer-generated imagery (CGI).
Si Dakila ay isang animatronic crocodile na 22 feet ang haba. Fiberglass ang katawan nito habang silicone naman ang ginamit para mas maging realistic ang balat nito.
Napagagalaw ito sa pamamagitan ng pneumatic technology o 'yung pagbubuga ng compressed air sa makinarya nito. Umaabot ng hanggang 14 tao ang kailangan para mapagalaw si Dakila.
Si Dakila ay dinisenyo ng Tawong-Lipod Creative Studio na kilala sa paggawa ng special at practical effects para sa telebisyon at mga pelikula.
Ito ang pinakamalaking animatronics prop na gagamitin ng GMA para sa isang proyekto sa Philippine primetime.
Lalo pa itong pinaganda ng CGI na mula sa GMA Post Video Graphics team.
Abangan ang Lolong, soon on GMA!