TV

'Lolong,' kumpirmadong may season 2!

By Marah Ruiz

Magkakaroon ng season 2 ang dambuhalang adventure-serye ng primetime na Lolong.

Nabanggit na ng bida ng serye na si Kapuso Action-Drama Prince Ruru Madrid na wala pang gaanong detalye ang naibibigay sa kanya at sa iba pang miyembro ng cast.

"Sa ngayon, ang masasabi lang po namin ay naghahanda na po ang Team Lolong para po diyan kaya abangan niyo," lahad ng aktor.

Ayon pa kay Ruru, napakalawak pa ng mga kuwentong maaaring tahakin ng Lolong.

"Malaking factor 'yung Punong Buwaya which is si Dakila. Nagulat ako na puwede pa lang itawid doon, meaning kung sakali man na magkaroon ng book 2, puwede pang magkaroon ng book 3, puwede pang magkaroon ng book 4 kasi ganoon kalawak 'yung istorya ng Lolong," aniya.


Kinumpira naman ng isa sa exectuive producers ng show na si Mark Norella na naghahanda na ang produksiyon para sa pangalawang season ng Lolong.

"Gusto rin namin siyabg paghandaaan dahil mabibigat po 'yung mga graphics, kung mapapansin niyo sa Lolong. Bukod sa mga action scenes, sobrang laki ng requirement ng graphics. Maghahanda tayo doon sa bagong laban para sa season 2," pahayag niya.

Sa tingin din daw ni Norella, mas mapapaganda pa nila ang produksiyon ngayong unti-unti nang nagluluwag ang mga COVID-19 protocols.

"Ang laki ng opportunity sa paghahanda namin sa season 2. Ang dami pang pwedeng i-explore na lugar sa Pilipinas lalo na at kalikasan 'yung tina-tackle natin. Isa sa mga strongest points din ng Lolong bukod sa istorya, 'yung visuals. Given na naghahanda sa season 2, why not explore pa natin 'yung ibang magagandng lugar sa Pilipinas din, given na may strong tayong storyline for the season 2," lahad niya.

Samantala, ngayong gabi, September 30 ang season finale ng Lolong. Makakaharap na ni Lolong (Ruru Madrid) ang pinakamalakas niyang kalaban --si Armando (Christopher de Leon) na naging isang halimaw matapos nitong magsalin ng dugo mula kay Dakila.



Huwag palampasin ngayong gabi, September 30 ang dambuhalang season finale ng Lolong, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.