
Magkahalong emosyon ang nararamdaman ng Ultimate Star na si Jennylyn Mercado sa pagtatapos ng taping nila para sa upcoming romance fantasy series na Love. Die. Repeat.
Nagsimula ang taping ng serye noong September 2021 ngunit dahil nalaman ni Jennylyn na buntis siya para sa una nilang anak ni Kapuso Drama King Dennis Trillo ay kailangan ihinto ang taping.
“Sa wakas natapos din namin. Mixed emotions kasi alam naman nila ' yung pinagdaanan ko. Dun ko na-discover na buntis ako, nung unang beses namin na naka-lock in para dun sa show na ' yun,” sabi ni Jennylyn sa interview niya kay Nelson Canlas sa 'Chika Minute' para sa 24 Oras.
Dagdag pa ng aktres, masaya siya maging parte ng project dahil marami siyang natutunan dito.
Ibinahagi rin ni Jennylyn na “medyo siksik” ang simula ng kaniyang bagong taon dahil sa mga naka-abang na proyekto.
“Ngayon magmo-movie kami, next month, meron akong recording under Star Music, may mga iba-ibang shows at concert,” sabi niya.
Sinabi rin ng Ultimate Star na mas makakapagtrabaho na siya ngayon dahil nagpapaiwan na ang anak nila ni Dennis na si Dylan.
Samantala, ibinahagi rin sa hiwalay na interview ng kaniyang co-star na si Xian Lim kung gaano siya kasaya na natapos na ang kanilang taping.
“At least everything's done, we get to take our time, and ngayon, it's for the audience to enjoy,” sabi ng aktor.
Recently, kinumpirma ni Xian at ng kaniyang former girlfriend na si Kim Chiu ang kanilang hiwalayan matapos ang 12 taon. Nang tanungin kung kamusta ang puso niya ngayon, sagot ng aktor, “It's ok. Ganu'n naman dapat talaga. It should be okay.”
“Dapat lang naman talaga we just gotta work on ourselves we gotta just keep on moving forward,” sabi niya.
Iikot ang Love. Die. Repeat. Sa buhay nina Angela (Jennylyn) at Bernard (Xian) na na-stuck sa isang time-loop kung saan kailangan iligtas ni Angela ang kaniyang asawa mula sa pagkamatay nito dahil sa isang aksidente.
Ipapalabas ang kanilang serye simula January 15, 8:50 p.m. sa GMA.