TV

Angela at Bernard, nakaligtas sa 'Love. Die. Repeat.' finale

By Jansen Ramos

Time heals all wounds - 'Yan ang pinatunayan sa finale episode ng suspense drama series na Love. Die. Repeat.

Sa pagtatapos ng GMA Prime series, nakaligtas at nagkapatawaran ang mag-asawang Angela (Jennylyn Mercado) at Bernard (Xian Lim) sa kabila ng mga pinagdaanan nila.

Sa gitna ng engkwentro, kinuha ni Chloe (Valeen Montenegro) ang baril ni Elton (Mike Tan) at tinutukan si Angela. Dumating naman si Bernard at ibinaling ni Chloe ang baril sa lalaki. Tinutukan din ng baril si Bernard habang nagmamakaawa si Angela na huwag patayin si Chloe, kahit pa sinabi ng asawa na papatayin ni Chloe si Angela. Naniwala si Angela na pwede pa mabago ang hinaharap.

Sumunod si Bernard at muling humingi ng tawad kay Chloe. Sinubukan ng mag-asawa na kumbinsihin si Chloe na tumigil na. Hindi nila alam na nagising na si Elton at kinuha ang baril kay Chloe. Binaril kaagad si Bernard ni Elton at tinamaan sa braso. Tumakas si Elton bitbit si Angela. Dinaluhan naman ni Chloe si Bernard.

Isinama ni Elton si Angela sa sasakyan. Sinakyan naman ni Angela ang gusto ni Elton. Sinabi pa niya na magpalit sila ng sasakyan para hindi sila masundan ng mga pulis.

Habang naghahanap ng ibang sasakyan sina Angela at Elton, nagsakit-sakitan si Angela at gumamit ng spray si Angela kay Elton. Tumakas si Angela habang si Elton ay nakasunod naman.

Nagtago si Angela at may nabaril naman si Elton na isang babae dahil inakala niyang ito si Angela.

Dumating naman si Bernard at naglaban sila ni Elton. Nakahanap ng isang metal na tubo si Angela na ipinangpukpok niya kay Elton pero nanlaban ito. Sinakal ni Elton si Angela pero nakaganti kaagad si Bernard matapos nitong hambalusin ng tubo sa likod si Elton. Namatay si Elton at saka dumating ang mga pulis.

Makalipas ang isang taon, okay na ang lahat. Humingi ng tawad si Chloe kina Angela at Bernard. Umalis siya para mangibang bansa.

Masayang namumuhay ang mag-asawa kasama ang kanilang anak.

Simula Lunes, April 1, mapapanood ang bagong handog ng GMA Entertainment Group na My Guardian Alien na pagbibidahan nina Marian Rivera at Gabby Concepcion.

Ipapalabas ito kapalit ng Love. Die. Repeat. sa oras na 8:50 p.m. sa GMA Prime.