Bibigyang-buhay ni Kapuso actor Mark Herras ang buhay ng isang underage cyber sex worker na si Marvin Cuntapay.
Pagbibidahan nina Mark Herras at Coleen Perez ang pagbunyag ng mga lihim ni Marvin Cuntapay sa pagsasadula ng ‘Love Hotline.’
Sa murang edad na 16 taong gulang ay pumasok si Marvin sa mundo ng cyber sex para kumita ng pera. Ngunit nang makakita siya ng pagkakataon ay linisan niya ito para makapag-aral sa Maynila.
Aminadong bakla si Marvin ngunit nabuntis niya ang kanyang kaibigang si Princess matapos mauwi sa pagtatalik ang isang dare.
Handang panagutan ni Marvin ang kanilang magiging anak ni Princess ngunit nag-alsa-balutan na ito at sumama sa ibang lalaki.
Lumapit si Marvin sa ‘Love Hotline’ sa hangaring maituwid at maiayos ang kanyang buhay.
Sa unang pagkakataon ay ilalahad niya sa kanyang mga magulang ang mga sikretong matagal na niyang itinatago.
Makamit kaya niya ang inaasaam na kapatawaran at pagtanggap mula sa kanyang mga magulang? Alamin ngayong Biyernes, August 7, sa ‘Love Hotline.'