
Nagsimula na ang pagpapalabas ng all-new episodes ng GMA primetime series na Love Of My Life.
Sa episode nito noong Miyerkules January 20, nasorpresa si Adelle (Carla Abellana) nang bisitahin siya ng kanyang mga kaibigan na sina Joyce (Vaness Del Moral) at Cha-Mae (Maey Bautista) sa mansyon.
Ang malungkot na pananatili ni Adelle sa mansyon sa piling ng kanyang biyenan na si Isabella (Coney Reyes) ay napalitan ng mga mga ngiti nang malaman niyang ang huli pala ang nag-imbita kina Joyce at Cha-Mae.
Hindi makakalimutan ni Adelle ang araw na iyon dahil, bukod sa pagdalawa ng kanyang best friends, binisita rin siya ng kanyang inang si Siony (Anna Martin).
Kinuha ni Siony ang pagkakataong iyon para kamustahin ang kanyang buntis na anak dahil alam niyang hindi maayos ang pakikitkungo ni Isabella rito.
Inamin naman ni Adelle na nagkaroon sila ng kanyang biyenan ng hindi pagkakaunawaan pero sinabi niya sa kanyang ina na naayos na nila ito.
Hindi kumbinsido si Siony sa mga pahayag ng kanyang anak kaya naman kitang-kita sa kanyang mga mata ang pag-aalala niya rito.
Samantala, sinubukan ni Kelly (Rhian Ramos) na kunin muli ang atensyon ni Nikolai (Mikael Daez) sa pamamagitan ng pang-aakit dito. Gayunpaman, nabigo si Kelly dahil nais ni Nikolai na tapusin na ang pagiging magkaibigan nila "with benefits."
Ipinaliwanag ng binata kay Kelly na mayroon nang nagpapatibok ng kanyang puso, bagay na inunawa ng huli. Si Adelle ang tinutukoy ni Nikolai pero minabuti niyang huwag muna ito ibunyag kay Kelly dahil magulo pa ang sitwasyon.
Pero, sa katunayan, labis na nanghinayang si Kelly sa pinagsamahan nila ni Nikolai kaya naman idinaan niya sa pag-inom ng alak ang kanyang disappointment dito.
Habang naglalasing, nakita ni Adelle si Kelly. Inanyayahan naman nito ang una na magkaroon ng girl talk para ilabas ang kanyang mga saloobin.
Unang umere sa telebisyon ang Love Of My Life noong Pebrero. Matapos ang isang buwan, nahinto ang pagpapalabas ng serye dahil natigil ang produksyon nito sanhi ng enhanced community quarantine.
December 28 nang magbalik ang serye sa telebisyon. Bilang refresher, muling ipinalabas ang mga dating episodes nito sa loob ng 15 araw.
Patuloy na subaybayan ang Love of My Life Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Anak ni Waray vs Anak ni Biday sa GMA Telebabad.
Sa mga nais balikan ang full episodes ng serye, maaaring mapanood ang Love Of My Life at ibang Kapuso series sa GMANetwork.com o GMA Network app.
Ang Love Of My Life ay pinagbibidahan nina Carla Abellana, Rhian Ramos, Mikael Daez, at Ms. Coney Reyes.
Ito ay iniderehe ni Don Michael Perez.