TV

Pananaboy ni Adelle kay Nikolai sa 'Love Of My Life'

Nagsimula na ang pagpapalabas ng all-new episodes ng GMA primetime series na Love Of My Life.

Sa episode noong Miyerkules January 27, determinado si Nikolai (Mikael Daez) na makuha ang puso ni Adelle (Carla Abellana) kahit pa pilit siyang ipinagtatabuyan nito.

Humingi pa ng basbas si Nikolai sa kapatid niyang si Stefano para ligawan ang nabiyuda nitong asawa.

Gayunpaman, kahit nagbago na si Nikolai, hindi pa rin matatanggap ni Adelle ang pagmamahal ng una dahil sa tingin niya ay mali ito.

Samantala, inaya ni Kelly sina Adelle at Nikolai na samahan siya habang umiinom sa mansyon.

Pinag-usapan nilang tatlo ang babaeng nang-'friendzone' kay Nikolai. Hindi alam ni Kelly na si Adelle ang tinutukoy ng binata noong nagkuwento ito.

Hindi komportable sina Adelle at Nikolai na pag-usapan ang estado ng buhay pag-ibig ng huli kaya minabuti nalang pumanik na sa kanya-kanyang kuwarto para matulog.

Bago pa man makaakyat, hinabol ni Nikolai si Adelle at kinausap. Nagalit si Adelle kay Nikolai dahil ikinuwento nito kay Kelly ang kanyang feelings para sa kanyang sister-in-law.

Hindi nagtagal, nabisto ni Kelly na si Adelle ang kasalukuyang nagpapatibok ng puso ni Nikolai nang marinig niya ang kanilang usapan.

Unang umere sa telebisyon ang Love Of My Life noong Pebrero. Matapos ang isang buwan, nahinto ang pagpapalabas ng serye dahil natigil ang produksyon nito sanhi ng enhanced community quarantine.

December 28 nang magbalik ang serye sa telebisyon. Bilang refresher, muling ipinalabas ang mga dating episodes nito sa loob ng 15 araw.

Patuloy na subaybayan ang Love of My Life mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Anak ni Waray vs Anak ni Biday sa GMA Telebabad.

Sa mga nais balikan ang full episodes ng serye, maaaring mapanood ang Love Of My Life at ibang Kapuso series sa GMANetwork.com o GMA Network app.

Ang Love Of My Life ay pinagbibidahan nina Carla Abellana, Rhian Ramos, Mikael Daez, at Ms. Coney Reyes.