
Kaabang-abang ang susunod na mga magaganap sa triple-plot drama series na Lovers & Liars.
Ngayong Huwebes, December 28, base sa teaser na ipinakita ng serye, kinumpronta ni Via (Claudine Barretto) si Victor (Christian Vazquez) matapos ang ginawa nitong pag-iwan sa ere nang makulong siya.
Matatandaan na nakulong si Via matapos siyang arestuhin dahil sa salang murder kay Ramon Laurente, ang yumao nitong asawa at may-ari ng Pacifica.
Ngayong nakalaya na si Via, paano kaya niya mababawi kay Trina (Sarah Edwards) ang pamamahala sa Pacifica? Tanggapin kaya nito ang tulong na alok sa kanya ni Martin (Bernard Palanca) laban sa mga gustong magpabagsak sa kanya?
Sa kabilang banda, patuloy na walang alam si Victor sa relasyon nina Hannah (Lianne Valentin) at Kelvin (Kimson Tan).
At bago pa man tuluyang mabuking ang kanyang sikreto, nagdesisyon na si Hannah na makipaghiwalay kay Kelvin dahil na rin sa kakailanganing halagang pera para sa pagpapagamot ng kanyang ina.
Samantala, ipinagtapat na ni Ronnie (Polo Ravales) kay Joseph (Rob Gomez) na matagal na niyang alam ang itinatagong sikreto sa kanya ng huli, ang pagkakaroon nito ng anak kay Andrea (Michelle Vito). Magiging maayos pa kaya ang kanilang relasyon sa kabila ng katotohanang ito?
Patuloy na subaybayan ang Lovers & Liars, Lunes hanggang Huwebes, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad.
KILALANIN ANG CAST NG LOVERS & LIARS SA GALLERY NA ITO: