
Maraming viewers ang "napasigaw" sa kissing scene nina Optimum Star Claudine Barretto at Yasser Marta sa primetime series na Lovers & Liars.
Sa episode 12 ng triple-plot drama series na napanood noong December 7, ipinakita na ni Caloy (Yasser) kay Via (Claudine) ang architectural model ng ipapatayong bahay ng huli.
Matatandaang pumayag na si Caloy sa alok ni Via na siya ang mamuno sa pagpapatayo ng dream house ng huli sa Batangas kapalit na rin ng kondisyong pagbalik ni Nika (Shaira Diaz) sa Pacifica.
Sa pagpresenta ni Caloy ng architectural model ng dream house ni Via, pinuri ng huli ang disenyo nito at ang talentong mayroon ito. Nagpasalamat naman si Caloy sa tiwalang ibinigay sa kaniya ni Via at sinabing ang huli ang naging inspirasyon niya kung bakit ginalingan niya ang trabaho.
Nang kapwa muling tiningnan ang architectural model, hindi sinasadyang magkatitigan ang dalawa at dito na hindi napigilan nina Via at Caloy ang nararamdaman.
Umani ng iba't-ibang reaksyon mula sa manonood ang nakabibiglang eksena na ito nina Claudine at Yasser, kung saan ani ng ilang netizen ay hindi nila napigilang "mapasigaw."
Sa Lovers & Liars, napapanood si Claudine bilang Via Laurente, CEO ng isang malaking real estate company na magkakaroon ng relasyon sa batang arkitekto ng kaniyang kompanya na si Caloy Marasigan, na ginagampanan ni Yasser.
Magkakaroon dito ng love triangle ang mga karakter nina Claudine, Yasser, at Shaira.
Samantala, tuluyan na kayang mahulog si Via kay Caloy? Abangan ito ngayong Lunes sa Lovers & Liars.
Patuloy na subaybayan ang Lovers & Liars, Lunes hanggang Huwebes, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad.
KILALANIN ANG IBA PANG CAST NG LOVERS & LIARS SA GALLERY NA ITO: