TV

Herlene Budol, patuloy na natututo sa mga puna na natatanggap online

By Marah Ruiz

Maganda ang naging pagtanggap ng mga manonood sa bagong GMA Afternoon Prime series na Magandang Dilag na pinagbibidahan ni comedienne and beauty queen Herlene Budol.

Dahil dito, lubos ang pasasalamat ni Herlene na unang beses na humawak ng title role sa isang serye.

"Umabot po tayo ng 9.7 na ratings kaya nagpapasalamat po ako sa lahat ng nanood saka sumusuporta po sa aming lahat dito. Grabe, nakakakilig bilang isang baguhan lang din po. Nagpapasalmat po kami. Lahat po ng buong set po namin ngayon, lahat ng prod, sobrang saya po. Worth it po lahat ng pagod sa mga eksenang nangyayari po dito," pahayag niya.

Naiyak pa nga si Herlene sa premiere nito habang magkakasabay nilang nila-livestream ng ilang co-stars and pilot episode.

"Naiyak po ako kasi na-overwhelm nga po ako sa nangyari na ang ganda ng pagkakataon. Sobrang tiyempong tiyempo na nanalo ka na, napanood mo pa, sumuporta pa sa 'yo 'yung mga taong imposibleng sumuporta sayo. Grabe 'yung iyak ko noon kasi parang double victory 'yung naramdaman ko," paliwanag ni Herlene.

Tinutukoy ni Herlene ang pagkapanalo ng Miss Ever Bilena sa pre-event ng Miss Grand Philippines 2023.


Samantala, learning experience daw para sa kanya ang mga puna--kahit umabot na ito sa puntong maari na itong tawaging bashing--na natatanggap niya online tungkol sa kanyang pageant performance.

"Kung hindi dahil sa inyo, wala po ako kung nasaan ako ngayon. Ipagpapatuloy ko po ang inspirasyon na kaya kong ibigay sa inyo. Nagkamali man po ako pero kaya pong itama 'yun. Maraming maraming salamat din po sa mga bashers na talagang nagsasabi ng lahat ng mali ko. Huwag po kayong mag-alala. Kayo po 'yung ginagawa ko ring inspirasyon," ani Herlene.

Panoorin ang buong ulat ni Claire Lacanilao para sa 24 Oras sa video sa itaas.

SAMANTALA, BALIKAN ANG CAREER HIGHLIGHTS NI HERLENE BUDOL DITO: