TV

Jeric Gonzales at Klea Pineda sa pagbabalik ng 'Magkaagaw:' 'Mas marami pang cliffhangers na dapat abangan'

By Cara Emmeline Garcia

Maraming eksplosibong mga eksena ang sasalubong sa fans ng Magkaagaw ngayong 2021 sa pagbabalik ng hit teleserye sa GMA Afternoon Prime.

Sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com, pangako ng lead stars nito na sina Jeric Gonzales at Klea Pineda na marami-raming heavy scenes ang mapapanood tuwing hapon simula ngayong January 18.

Ani Klea, “Marami dapat silang abangan. Base sa mga nakunan namin eksena, lahat halos puro heavy scenes.

“Mahirap kasi, 'yun nga, nanggaling kami sa bakante na seven months pero lahat ng effort namin at oras namin ay nilalagay namin sa show na 'to.

“Dugo't pawis sa production para mapanood niyo ng maayos at marami kayong mapanood na eksena na talagang mas marami pang cliff hangers, mas marami pang challenges na mangyayari.”

Dagdag pa ni Jeric, “Tama 'yung sinabi ni Klea. Ang masasabi ko lang is walang eksenang matatapon dito o masasayang sa ginawa namin kasi intense lahat. Nandito na tayo sa climax ng kuwento kaya dapat abangan nyo. 'Wag nyo palampasin.”


Inintriga ng buong cast ng hit afternoon show ang kanilang fans nang maputol ang kuwento nito na nasa panganib ang karakter ni Klea Pineda na si Clarisse pati na ang kanyang ina na si Laura, na ginagampanan naman ni Sunshine Dizon.

Ang lahat pala ng ito ay pakana ni Veron Santos, ang karakter ni Sheryl Cruz, para pagtakpan ang namamagitan sa kanila ni Jio, ang role ni Jeric Gonzales.

Dahil sa kanilang pagbabalik sa set, minabuti rin ng dalawang aktor na mag-pokus sa kanilang pangangatawan lalo na't puno ng intimate scenes ang show.

Kuwento ni Klea, naglaan siya ng oras para mag-boxing at mag intermittent fasting nang malaman niyang magbabalik set na siya para sa Kapuso show.

“Ako, nung nalaman ko na magkakaroon kami ng taping dun na ako nag-effort na everyday boxing,” aniya.

“Siyempre, kasi ang tagal naming walang rest noon. Nung nag-lockdown dun lang kami nagkaroon ng rest time at doon lang kami nakabawi sa tulog. So talagang nag-rest lang ako at lahat ng tulog natulog ko na. Hahaha!

“So, para sa akin its boxing eveyrday at nag-try akong mag-I.F. at Ketogenic diet.”

Samantala, nakatulong kay Jeric ang kanyang co-stars na sina Polo Ravales at Dion Ignacio sa pag-maintain ng kanyang abs habang nasa lock-in taping.

Bitiw niya, “Ako naman since three days straight taping kami tapos one day break, medyo hectic 'yung sched at minsan napupuyat kami.

“Pero 'pag nagkaroon ng time talaga na mag-exercise, ginagawa ko talaga. Buti na lang nakakasama ko 'yung mga co-actors ko dito na sina Polo Ravales at si Dion Ignacio para magworkout.

“At 'yung kinakain namin, ang diet talaga namin dapat healthy para malakas 'yung immunity and we take vitamins.”

Abangan ang nalalapit na pagbabalik ng Magkaagaw ngayong January 18 sa GMA-7.

Silipin ang mga naganap sa lock-in taping ng cast at crew sa gallery na ito: