TV

Eloisa at Lucio, magkikita na bang muli?


Tumitindi ang mga tagpo sa Magkano Ba ang Pag-ibig? Para sa mga hindi nakapanood noong nakaraang linggo, narito ang mga eksenang nagpainit sa GMA Afternoon Prime.

Lunes
Ilalabas ng palihim nina Gigi at Margot ang walang malay na si Eloisa sa mansyon. Papalabasin nila na lumayas si Eloisa kasama ang pamilya niya. Dahil dito, hindi mapapanatag ang loob ni Bobby at hahanap siya ng paraan para makalabas at hanapin si Eloisa. Samantala, pipilitin ni Richelle na maging malapit muli kay Lucio nang makuha niya ang loob nito. Ngunit hindi ito magugustuhan ni Lucio at sa halip ay tutuloy ito sa pamilya ni Eloisa upang makakuha ng impormasyon sa misteryosong pagkawala nito.

Martes
Darating ang pamilya ni Eloisa sa mansyon upang hanapin si Eloisa. Sasabihin ni Margot na nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan kaya lumayas si Eloisa mula sa kwarto na kanyang pinagtaguan. Maririnig ni Bobby ang katotohanan tungkol kay Lucio at Eloisa. Aaminin naman ni Lucio kay Bobby ang tungkol sa nakaraan nila ni Eloisa. Bago pa man makapagpaliwanag si Lucio, sasaktan na ito ni Bobby dahil sa pagtataksil na ginawa ng kanyang kapatid at asawa.

Miyerkules
Dadating ang mga pulis upang magimbestiga sa pagkawala ni Eloisa. Samantala, patuloy si Lucio at ang pamilya ni Eloisa sa paghahanap. Sa mansyon, makikita naman ni Gigi sina Oscar at Margot na nagtataksil sa kanya. Papaalisin ni Margot ang pamilya ni Eloisa sa kanilang tirahan dahil sa pag-alis ni Eloisa at pagsira ng tiwala nila kay Donya Hilaria.

Huwebes
Hindi mapapanatag ang konsensiya si Gigi dahil sa ginawa nila kay Eloisa. Dahil dito, palihim na din siyang tutulong sa paghahanap kay Eloisa. Susunduin naman ni Lucio ang pamilya ni Eloisa upang tulungan sila humanap ng pansamantalang matitirahan. Pipilitin ni Oscar na mapabuti ang relasyon kay Margot ngunit hindi papayag si Margot. Dahil dito, hihilingin ni Oscar na bumalik si Gigi sa kanya. Ang sakit na nararamdaman ni Gigi sa pagtataksil nina Margot at Oscar ang magiging hadlang sa pakikipagbalikan niya kay Oscar.

Biyernes
Mapapanaginipan ni Eloisa ang ginawa sa kanya ni Donya Hilaria at Margot. Magigising siya sa bahay nina Gabriel at Lita at ipapaalam nila kay Eloisa na natagpuan siya na walang malay. Maaalala ni Eloisa ang pananakit na ginawa ni Margot at Donya Hilaria sa kanya. Makakatawag si Eloisa sa kanyang pamilya upang sunduin siya kung saan siya pansamantalang nananatili. Samantala, tatakas si Bobby sa mansyon upang hanapin si Eloisa. Ngunit siya ay mapapahamak sa kanyang paghahanap nang siya ay pilit na pinainom ng mga lalaking nagpapanggap na alam ang kinaroroonan ni Eloisa.

Magkikita na nga ba ulit sila Eloisa at Lucio? Makakauwi ba ng ligtas si Bobby? Mailalabas ba ni Gigi ang katotohanan sa pagkawala ni Eloisa? Para malaman ang mga susunod na mga mangyayari, patuloy ninyong subaybayan ang Magkano Ba ang Pag-ibig?, Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng Villa Quintana.

--Text by Maine Aquino, GMANetwork.com