TV

Magpakailanman presents “Siga Noon, Beki na Ngayon”


Nagagamot ba ang pagiging bakla? Ito ang katanungang gustong masagot ni Nognog, isang siga na may hindi maintindihang nararamdaman para sa kaniyang bagong kapitbahay na si Anton.

Kilala si Nognog nila bilang isang basagulero, isang playboy... Hindi nahuhuli sa mga gulo, hindi nagpapahuli sa mga nabubuntis niya. Pero ang hindi nila alam ay may itinatagong sikreto si Nognog. Isang katotohanan na kahit sa sarili niya ay hindi maamin. Isa siyang bakla.

Takot si Nognog sa kaniyang amang si Rey. Kung siya man ay kilalang siga, dahil na rin 'yun sa kagagawan ng ama niya. Dahil sa buhay na ito siya pinalaki. Dahil para kay Rey, ang lalaking hindi marunong lumaban, ang lalaking marunong magtimpi ng galit, ay hindi tunay na lalaki.

Kaya naman takot si Nognog na ipaalam sa ama niya ang totoo. Kaya itinago niya ang tunay niyang pagkatao, at ibinubuhos ang galit niya sa ama't sa sarili...sa mga bakla. Hanggang sa dumating si Anton.

Ngayon ay hindi na kayang labanan pa ni Nognog ang nararamdaman niya.

Ngayon ay hindi na niya maikakaila ang tunay niyang pagkatao.

Ngayon ay natatakot na siya sa kung ano ang gagawin niya kapag malaman ng kaniyang ama ang totoo.

Matatanggap ba siya nito? O kailangan ba niyang tuluyan nang labanan ang kaniyang puso't damdamin?

Alamin ang kinahantungan ng buhay ni Nognog ngayong Sabado, April 26, sa Magpakailanman.

"Siga Noon, Beki Na Ngayon" features Kristoffer Martin, sa isang sensitibong pagganap bilang si Nognog, sa ilalim ng direksyon ni Neal del Rosario, at panulat ni Michiko Yamamoto, mula sa pananaliksik ni Loi Argel Nova.

Kasama rin sa episode sina Michael de Mesa, Shamaine Buencamino, Jan Manual, Maricris Garcia, at Bryan Benedict, with the very special participation of Mark Herras.